Binata tinodas ng nilait na kainuman

PATAY ang 32-anyos na binata nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman matapos na hindi pakantahin at nilait pa ng nauna ang sintunadong boses ng huli sa loob ng isang karaoke bar kagabi sa Las Pinas City.

Binawian ng buhay matapos ilipat sa Pasig General Hospital mula sa unang pinagdalhang Las Piñas District Hospital ang biktimang si Edwin Miranda, ng 772 Sultana St., Manuyo sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman kaagad ng nagrespondeng si PO1 Rodel Buenaventura ng Daniel Fajardo Police Community Precinct (PCP) ang suspek na si Angel Julio, 60, residente ng 802 San Jose St., Manuyo bago pa man makatakas sa pinangyarihang lugar.

Batay sa ulat, nag-inuman sa Padrino’s Karaoke Bar and Restaurant sa 1082 Padre Diego St., sa Barangay Manuyo.

Pagkatapos umawit ng biktima, kinuha naman ng suspek ang mikropono upang siya naman ang kumanta subalit hindi ito ibinigay ng kaibigan at sa halip ay nilait-lait pa ang sintunadong boses ng matanda na nauwi sa kanilang mainitang pagtatalo.

Bago pa man lumala ang away ng dalawa, inawat na sila ng mga waiter sa bar subalit umalis upang kumuha ng patalim si Julio at pagbalik ay inundayan na ng sunod-sunod na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang kaibigang biktima.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply