Bird strike sa NAIA lutasin nang mabilis

DAPAT na solusyunan agad ang bird strike sa Ninoy Aquino International Airport.

Hindi tayo pupuwedeng mag-antay ng pagbagsak ng isang eroplano at mamamatayan ng daan-daang katao rito bago tayo kumilos.

Ang bird strike, mga Bro, ay ang pagkain ng mga makina ng mga eroplano sa mga ibon na lumilipad sa dinaraanan nito.

Kapag maraming ibon  ang nakakain ng makina ng eroplano, hihinto ang makina at ano ang kasunod?

Nakupo! Crash yan! Babagsak ang eroplano.

At kakambal na nito ang disgrasya sa buhay at ari-arian sa loob at babagsakan ng eroplano.

CRASH NG EROPLANO

Maalala ninyo ang nag-crash na private plane sa Parañaque City noong Disyembre 10, 2011?

Nasa 14 katao ang namatay sa sunog at matitinding sugat nang bumagsak ito sa mga kabahayan at eskuwelahan.

Hindi natin sinasabing nagkaroon ng bird strike ang eroplano pero ganyan ang mangyayari kung babagsak ang isang eroplano.

Parang isang impiyerno na halos mamatay lahat ang daraanan at babagsakan ng eroplano.

Hindi natin dapat antayin na mangyari ito muli.

152 PASAHERO

Kamakalawa, may na-bird strike na eroplano ng Philippine Airlines.

Nasa 152 katao ang laman ng eroplano.

Nang lumapag ang eroplano at tsekapin ng mga mekaniko, nakita nila ang mga dugo na nasa makina ng nasabing eroplano.

Nagkaroon ng bird strike.

Mabuti na lang at hindi kawan ang mga eroplano na tinamaan ng eroplano.

Kung hindi, eh, hindi natin alam kung ano ang nangyari sa eroplano.

Baka natulad na sana ang PAL plane sa ilang eroplano sa Amerika at iba pang bansa na bumagsak dahil sa bired strike.

Akalain mo, daan-daang tao ang nakataya ang buhay dahil sa bird strike.

At mayroon nang 39 na bird strike mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.

KUSINA AT BAHAY NG IBON SA NAIA

May mga matutubig na lugar mismo sa NAIA, kabilang na ang isang ipunan ng tubig sa pagitan ng mga runway riyan.

Ginawa ang mga lagoon upang saluhin ang mga tubig sa runway at hindi maging maputik at hihina ang runway.

Anak ng tokwa, hindi natin namalayan na ginagawa na pala itong bahay at hapag kainan ng mga ibon.

Diyan naliligo at nanghuhuli ng pagkain ang mga ibon.

Sa paglipad-lipad ng mga ito, nasasalubong o nasasagasaan sila ng mga eroplano.

May mga kinakain ng makina sa mga ito.

At ito ang delikado dahil  posibleng hihinto ang makina na ikabagsak ng eroplano.

Dito madadamay ang mga residente na babagsakan ng eroplano gaya ng private plane na bumagsak sa Parañaque nitong Disyembre.

SIRENA AT PUTOK?

Nakabubugay naman ng ibon ang mga sirena at putok ng baril.

Pero parang nasanay na ang mga ibon sa mga ito at ikinukuwento ng mga nakakikita na hindi na basta lumalayas ang mga ibon.

Para silang mga kambing sa mga kalsada na kung humiga sa gitna, eh, walang pakialam sa mga motoristang nagdaraan.

TABUNAN ANG MGA LAGOON

Dapat na pag-aralan nang mabilis ng mga kinauukulan kung paano tabunan ang mga lagoon o tagasalo ng tubig sa palagid ng mga runway.

Ito’y para lumayas na rin ang mga ibon at hindi mamamahay sa lugar.

Kung saan pupunta ang mga ito ay nasa kanila na.

Pupuwedeng saluhin ang mga ito ng Candaba swamp sa bayan ni Mayor Gerry Pelayo at iba pang mga lugar na hindi manganganib ang mamamayan at mga eroplano.

BIRD LOVERS

Naiintindihan natin ang mga nagmamahal sa mga ibon na gustong makitang hindi naiistorbo ang pamumuhay ng mga ibon.

Pero I beg to disagree sa bird lovers. Mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa ang mga ibon at kung pamimiliin nila ako, sa tao ako papanig.

Kinakailangang mapangalagaan muna ang tao bago ang mga ibon.

Kaya nga sa pinakamadaling panahon, idemolish na ang mga pinamamahayan ng mga ibon  para sa kaligtasan ng mamamayan.

P45M PONDO VS BIRD STRIKE

May nakalaan na umanong P45 milyon na pondo para sa mga proyekto.

Kabilang umano sa mga paggagamitan ang pagtabon sa mga matutubig sa lugar na pinamamahayan ng ibon.

Mayroon din planong bibili ang mga kinauukulan ng mga matitinding sound system para marindi sa tunog ang mga ibon at lumayas sa lugar lalo na kung may eroplanong lumilipad pababa o pataas o daraan sa lugar.

Okey lahat ng ito.

Pero dapat madaliin ang lahat ng mga proyekto.

At para magamit nang todo ang nasabing pondo, hindi dapat na perahin ng mg korap ito.

Sinasabi natin ito dahil sa tukso na laging lumalapit at bumubulong sa mga pondo ng gobyerno na nakalaan sa anomang proyekto.

Alalahanin ninyo riyan sa airport na buhay ang pinag-uusapan diyan at hindi basta disgrasya.

WARNING SA MGA PILOTO

Habang nag-iisip at kumikilos ang mga kinauukulan kung paano igawan ng paraan ang problema, magandang paalalahanan ang mga piloto ng mga eroplano na magiging alerto sa bird strike.

Dapat din silang paraanin sa mga pagsasanay laban sa bird strike para lalong malinaw sa kanila kung ano ang kanilang gagawin kung makaengkuwentro sila ng ganitong pangyayari.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply