Blood donations sa DoH sinigurong de-kalidad

WALANG dapat ipangamba ang publiko sa ulat na tumaas ang bilang ng blood donations na nagpositibo sa nakahahawang HIV/AIDS infection.

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang pagtaas ng bilang ng mga donasyong dugo na may impeksiyon ay bahagi lamang ng kanilang ipinatutupad na de-kalidad na pagsusuri upang matiyak na pawang ligtas na dugo lamang ang maisasalin sa mga pasyente.

Batay sa datos ng Research Institute for Tropical Medicine(RITM), simula Enero hanggang Agosto ng 2012 ay nakapagtala na ng 157 kaso ng blood donations na kontaminado ng HIV/AIDS.

Ang nasabing bilang ay nabatid na mas mataas ng 18 porsiyento kumpara sa 142 kaso lamang noong 2011.

Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), na lubhang maingat ang DOH at mga pagamutan sa pag-screen ng mga donasyong dugo.

Aniya, bago makunan ng dugo ang isang indibidwal ay mayroon itong questionnaire na sasagutan, sa oras na pumasa ay susuriin ang magdo-donate kung physically healthy ito kasama na ang pagkuha ng blood pressure at pagsasailalim sa interview.

Inamin naman ni Tayag na may ilang nagdo-donate ng dugo ang minsan ay nagsisinungaling sa estado ng kanilang kalusugan kung kayat nakukuhanan pa rin sila ng dugo.

Sa kabila naman nito ay wala pa ring dapat na ipangamba ang publiko dahil hindi nagtatapos ang screening sa interbyu lamang.

Ani Tayag, sinusuri pa rin nila ang nakuhang dugo sa RITM upang mabatid kung positibo ang mga ito sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng HIV/AIDS, malaria, hepatitis at iba pa.

Mahaba aniya ang proseso ng kanilang ginagawang quality check para sa mga donasyong dugo.

Aminado rin naman si Tayag na nakakabahala pa rin ang pagpo-positibo ng mga donasyong dugo dahil tiyak aniyang marami sa donors ay nagdu-donate sa pag-aakalang malusog sila ngunit may taglay palang karamdaman.

Base sa pinakahuling report ng DOH HIV and AIDS Registry, nasa 2,150 kaso ng HIV/AIDS ang naitala simula Enero hanggang Agosto 2012.

Nabatid na simula 1984 umano ay wala pang isang porsiyento ang kaso na nagkaroon ng HIV dahil sa blood transfusion.

Ayon sa DOH, kalimitang nahahawa ng sakit ang mga pasyente dahil sa pakikipagtalik sa taong nag-positibo ng sakit.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply