Brillantes nag-sorry kay Sen. Lacson

NAG-SORRY si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes, Jr., kay Senador Panfilo Lacson dahil sa pagkabigo nitong makadalo sa isinagawang pagdinig ng Senado sa mga nakabinbing panukalang may kinalaman sa partylist system at anti-political dynasty.

Ito’y kasunod na rin ng pahayag ng senador na kaarogantehan ang pag-isnab ni Brillantes sa pagdinig, lalo na’t sinabi pa umano ng poll chief na walang pakialam ang Senado sa mga desisyong ginagawa nila hinggil sa pagdiskuwalipika ng mga partylist groups.

Sa kanyang official Twitter account, sinabi ni Briallantes na kung pagiging arogante ang tingin ni Lacson sa kanyang hindi pagdalo sa pagdinig ay nagso-sorry siya rito.

Iginiit din nito na malaki ang respeto niya kay Lacson at hindi aniya niya sinadya na isnabin ang naturang Senate hearing.

“I have high respect for the good Senator Lacson and I never had the slightest intention to snub the Senate hearing. If Senator Lacson perceived my non-appearance as arrogance, I humbly apologize-but that was never my intention,” ayon kay Brillantes.

Sinabi rin ng poll chief na walang katotohanan ang mga pahayag tungkol sa umano’y pag-boycott niya sa hearing dahil nagpadala naman sila ng kinatawan dito.

Ipinaliwanag pa nito na nagpasabi naman siya kay Senador Koko Pimentel, na siyang chairman ng komite, na hindi sila makararating sa pagdinig dahil mayroon silang naunang importanteng lakad na dadaluhan.

“Yesterday, d Commission en banc had a prior commitment to attend d MOA signing w/ UP in addition to our scheduled regular en banc meeting. So, of d 6 commissioners present, 2 went to UP & 4 attended d regular en banc to discuss a pressing automation-related matter,” tweet ng Comelec chief.

Nilinaw din naman ni Brillantes na batas ang pinagbabasehan ng Comelec sa pagsala ng mga partylist group na lalahok sa 2013 elections.

Sinabi pa nito na bukas rin sila at handang tumalima kung sasabihin ng Mataas na Hukuman na mali ang kanilang desisyon sa pagdiskwalipika ng ilang party-list groups.

Sa kabilang dako, nilinaw na rin ni Brillantes na hindi nila dinisenfranchise ang mga incumbent partylist group na una na nilang diniskuwalipika, dahil ang diskuwalipikasyon sa mga ito ay para sa 2013 elections lamang.

Kasabay nito, sinabi ni Brillantes na hindi nila pinapakialaman ang mandato ng mga ito bilang isang nanalong partylist noong 2010 elections at patunay aniya rito ang pagpapahintulot nila sa mga nasabing partylist na matapos ang termino hanggang June 2013.

Matatandaang kabilang ang ilang incumbent partylist group sa mga grupong una nang diniskwalipika ng Comelec at ang mga ito ay kinabibilangan ng Ako Bicol, APEC, 1Care, at Aangat Tayo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply