Buraot sa BoC pinsan ni PNoy

MARAMI ang hindi nakakikilala sa tunay na ugali ni Pangulong Benigno Aquino III o Noynoy na ngayon ay kilala sa tawag na PNoy. Posibleng isa na rito itong si Cris Aquino, hindi ang actress/host na kapatid mismo ng pangulo. Itong kapalmuks na Aquino ay nagpapakilalang pinsan ni PNoy kaya malakas ang loob na mangurakot sa
mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs.

Hindi lang ang mga taga-Aduana ang kanyang binuburaot kundi maging ang mga player/broker. Kanyang hinuhuthutan ang mga ito kapalit ng pangakong proteksyon sa “hot goods” na ipinalulusot ng smugglers.

Hanep! Ay grabe pala na akala mo’y bagyo este buhawi ang dating ng lokong ito. Hindi lang ang pagpapalusot ng mga smuggled goods ang kanyang pinakikialaman subalit pati ang pagbili ng mga office equipment, supplies at kung anu-ano pa sa ahensiya ay siya ang nakikialam.

Bakit nakakaporma sa ahensiya ang ungas? Kasi nga ay gasgas na gasgas na ang pangalan ni Pangulong Aquino na kinakaladkad niya sa pakikipag-usap sa kung
sino-sino.

Dahil napapaniwala nitong Cris Aquino ang mga kawani ng BoC na kamag-anak niya ang Pangulo kaya  takot na takot ang mga ito na sumuway sa mga utos nito bagaman batid nila na pagsuway ito sa “Tuwid na Daan” na ipinatutupad ng pamahalaan.

Bukod pa sa pagpapakilalang kamag-anak ng pangulo, raket din ng  lalaking ito na “maykaya” (kayabangan) ang pangongolekta sa smugglers kaladkad ang pangalan ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA),  Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at PNP- Intelligence Group (PNP-IG).

Nais ng mga kawani na matuldukan na ang paghahari-harian at kalokohan nitong Cris Aquino sapagkat hadlang ito sa mga pagbabagong ipinatutupad ng bagong pamunuan ng BoC na nakikiisa sa nais ni PNoy na matuwid na pamahalaan.

Dapat mabatid ng marami na ibang klase ang ugali ni PNoy. Hindi nito tinotolerate ang mali kahit pa kamag-anak niya. Kaya dapat lang itong pumasok sa utak nitong may kayabangang Cris Aquino na marami sa mga kamag-anak ng Pangulo ang hindi niya kinakausap dahil na rin sa hindi nito nagustuhan ang mga ginawa ng mga ito sa pamahalaan.

Kaya mag-ingat siya. Kapag nakarating sa kaalaman ni PNoy ang kalokohan niya ay tiyak na may kalalagyan siya. Kaya ngayon pa lang ay dapat na siyang maglaho sa Aduana. Ni Pasyal, huwag na niyang gawin.

Belated happy birthday to my cousin Jojo Adriano who celebrated last Monday. Blow-out naman dyan!

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply