Bus segregation ipatutupad sa Disyembre

SA DISYEMBRE magsisimulang ipatupad ang bus segregation system sa bansa, ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino, walang umalma sa mga bus operator sa pagpapatupad ng naturang proyekto.

Aniya, inimbitahan ng MMDA ang 85 bus operators sa isang pulong at 76 ang dumalo.

Sa nasabing bilang, halos unanimous umano ang suporta nila sa bus segregation system.

Sa nasabing sistema, may 22 bus stops sa northbound at 15 naman sa southbound sa loob ng yellow lane ang nagsisilbi sa may 3,400 bus na bumabagtas ng EDSA.

Sa umiiral na bus segregation scheme sa EDSA, nahahati sa Bus stop A at B ang loading bay.

Isa sa mga halimbawa nito ay ang Bus A na para sa rutang EDSA-Alabang at ang Bus B sa rutang EDSA-Baclaran.

Gayunman, para kay Tolentino ay kulang pa ito para maibsan ang trapik kaya ipapatupad sa bagong bus segregation scheme na
ihihiwalay ang bus stop para sa Bus A at B.

Sa northbound ng EDSA, magagamit lang ng mga Bus A ang bus stop sa Magallanes, Buendia, Guadalupe, Shaw, Santolan, Farmers, Cubao, Ermin Garcia-Cubao, North Avenue, Royal Balintawak at MCU Caloocan.

Ang Bus B naman, sa bus stops ng Taft, Ayala, Estrella, Pioneer, Ortigas, Main Avenue, Baliwag-New York St-Cubao, Quezon Avenue, Congressional Avenue at Oliveros Drive-Balintawak.

Bukod dito, pwede lang ang Bus A sa Oliveros Drive-Balintawak, Roosevelt Avenue, Muñoz, Arayat-Pinatubo Cubao, Shaw Blvd, Guadalupe, Buendia Avenue at Magallanes.

Ang Bus B naman ay sa Monumento-Caloocan, Kaingin Road-Balintawak, West Avenue, Ortigas Avenue, Boni Avenue, Estrella, Ayala Avenue at Taft Avenue lang ang mga stop.

Ang mga bus stop sa Julia Vargas (SM Megamall) at SM North Avenue sa northbound ay pwedeng tigilan ng parehong Bus A at Bus B.

Pansamantala namang magpapakalat ng mga hybrid bus sa unang dalawang linggo hanggang apat na buwan ang MMDA upang maiwasan ang kalituhan sa mga pasahero.

Pagmumultahin ng P1,000 ang mga bus na hindi titigil sa tamang bus stop habang P500 multa naman ang ipapataw sa mga pribadong sasakyan na makikihinto sa mga designated bus stop.

Ani Tolentino, ilalagay ang letrang A o B sa windshield ng mga bus upang madaling makita ito maging sa mga T-shirt ng mga konduktor.

Ilalagay din aniya sa mga bus stop ang susunod na destinasyon upang hindi na malito ang mga pasahero.

Bukod sa bus lane at bus segregation system, plano rin ng MMDA na maglagay ng elevated platform sa EDSA upang hindi na makahinto kung saan-saan ang mga bus.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply