Caloocan ipinagkatiwala ni Recom kay RJ

IPINAGKAKATIWALA ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang pinamamahalaan nitong lungsod sa kanyang panganay na anak na si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri matapos magkasunod na maghain ang mga ito ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Election (Comelec) kanina.

Si RJ na unang naghain ng kanyang COC kasama ang kanyang mga kapartido sa Liberal Party (LP) ay sinamahan din ng tatlong libong kabataang botante na sumusuporta sa kandidatura nito para sa 2013 election.

Kabilang din sa line-up ng LP sina Tito Varela na tatakbong vice-mayor, mga konsehal na sina Marylou Nubla, Ferdinand Gundayao, Henry Camayo, Andres Mabagus, Atty. Bullet Prado, Dra. Susan Punzalan para sa unang distrito habang sa ikalawang distrito naman ay sina Chito Abel, Carol Cunanan, Tino Bagus, L.A. Asistio, Arnold Divina at Allen Aruelo.

Matapos naman ang paghahain ng mga ito ng kanilang kandidatura ay nagtungo sa Comelec main office sa Intramuros si Mayor Recom upang maghain ng kanyang kandidatura bilang kinatawan ng unang distrito kasama ang mahigit sa 100 kapitan ng barangay sa buong lungsod.

Samantala, nagpahayag ng suporta si dating 2nd District Congressman Baby Asistio sa kandidatura ni RJ Echiverri kasabay ng pagtitiyak nito na tutulungan niya ang nakababatang Echiverri sa election sa 2013.

Bago ang paghahain ng kanilang COC ay dumalo sa isang misa ang buong grupo nina Echiverri sa ginanap na thanksgiving mass sa San Roque Parish Church kasama ang mga senior citizens na sumusuporta sa mga ito kung saan ay binasbasan din ng pari ang mga kandidatong kasama sa tiket ng mag-ama.

Matapos ang misa ay nagsama-sama sa harapan ng city hall ang grupo nina Echiverri kasama ang mga sumusuporta sa mga ito na umabot sa pitong libong katao bago naglakad patungo sa lokal na tanggapan ng Commission on Election (Comelec) na matatagpuan sa kahaban ng A. Mabini Street.

Ayon pa sa mga kabataang sumama sa paghahain ng COC ng mag-amang Echiverri na subok na nila ang kakayahan ni RJ para pamunuan bilang alkalde ang kanilang lungsod dahil sa ipinakikita nitong dedikasyon bilang public servant.

Bukod dito, umaasa din ang mga kabataang ito na si RJ ang kanilang magiging boses dahil kahit na ito ay nasa murang edad pa lamang ay batikan na ang kaisipan ng kanilang iniidolo para sa higit pang ikauunlad ng lungsod.

Sinabi pa ng mga ito na kayang-kayang ipagpatuloy ni RJ ang mga sinimulang pagbabago ni Recom sa naturang lungsod bukod pa sa mga naiisip nitong mga proyektong makatutulong sa higit pang pag-unlad ng Lungsod ng Caloocan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply