Caloocan nominado sa Luminary Award ng Meralco

MASAYANG iniulat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na nominado ang pinamamahalaan nitong lungsod sa Luminary Award sa kategorya ng Local Government Units (LGU) na ipinagkakaloob ng Manila Electric Company (Meralco) dahil sa maayos na pagbabayad ng lokal na pamahalaan ng bill nito sa kuryente.

Ayon kay Echiverri, nang maupo itong alkalde ng Caloocan City noong July 2004 ay nag-iwan ang nakalipas na administrasyon ng utang sa Meralco na aabot sa P32.8 milyon bukod pa sa ibang bayarin sa tubig at iba pa.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang administrasyon ni Echiverri sa pamunuan ng Meralco kung paano ang magiging bayaran ng iniwang utang ng nakaraang administrasyon hanggang sa mabayaran itong lahat.

Sinabi pa ng alkalde, nabigyan ng nominasyon ng Meralco ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Caloocan sa naturang award matapos mabayaran ang lahat ng utang sa kuryente at nabiyayaan din ito ng P4 milyong refund na ibinawas sa electric bill ng siyudad.

Aniya, malaking tulong ang nagawa ng P4 milyong refund na ipinagkaloob ng Meralco dahil nabawasan ang gastusin ng lokal na pamahalaan sa electric bill na nagamit naman sa ibang magandang proyekto.

Nagpasalamat din si Echiverri sa mga empleyado ng city hall dahil sa kooperasyon ng mga ito sa lokal na pamahalaan sa pagtitipid sa paggamit ng kuryente at tubig na isa ring tulong sa problema ng buong mundo sa climate change.

Kaugnay  nito, hiniling naman ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa mga opisyal ng barangay na makiisa sa mga empleyado ng city hall upang makatipid din ang mga ito sa paggamit ng kuryente at tubig.

Aniya, bilang isang opisyal ng barangay, malaking tulong ang magagawa ng mga ito kapag nahikayat ang kanilang mga nasasakupan sa tamang pagtitipid sa paggamit ng tubig at kuryente.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply