Calungsod santo na

BUONG sambayanang Pinoy ang nagdiwang ngayon matapos na pormal nang maging ganap na santo si San Pedro Calungsod sa idinaos na kanonisasyon nito sa Vatican.

Mismong si Pope Benedict XVI ang nag-canonized kay Calungsod sa tatlong oras na seremonya na sinimulan dakong 9:30 ng umaga sa St. Peter’s Square o 4:30 ng hapon sa Pilipinas.

Bukod sa apat na libong Pinoy pilgrim ay dumalo rin ang mga pulitiko at mga government officials sa pagdiriwang, sa pangunguna ni Vice President Jejomar Binay, na siyang kumatawan kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Nabatid na Huwebes pa lamang o bago ang pagsisimula ng Triduum ay marami nang Pinoy ang nagsimulang dumagsa sa Roma.

Sa Pilipinas ay nagbunyi rin ang mga Pinoy dahil sa napakahalagang okasyon at idineklara pa ng Malacanang ang araw ng kanonisasyon nito bilang National Day of Celebration bilang parangal kay San Pedro Calungsod.

Sa naturang kanonisasyon ay binasbasan ni Pope Benedict XVI ang imahe ni St. Pedro Calungsod, na siyang ibabalik sa Pilipinas para sa isang buwang pilgrimage sa buong bansa.

Ang Visayan Martyr ay siyang ikalawang santong Pinoy matapos na maideklarang unang santong Pinoy ni Blessed Pope John Paul II si San Lorenzo Ruiz de Manila noong 1987.

Si Pope John Paul din ang siyang nag-beatify kay Calungsod noong 2000.

Nabatid na naging kuwalipikado si Calungsod upang maging santo noong nakaraang taon matapos na kilalanin ng Vatican ang isang milagro nito nang isang Pinay na una nang idineklarang patay dahil sa massive stroke ang ma-revive matapos lamang manalangin sa bagong santo.

May 35 obispo mula sa Pilipinas sa pangunguna nina retired Cardinals Ricardo Vidal ng Cebu at Gaudencio Rosales ng Manila, ang siyang kumatawan sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa canonization rites.

Si Calungsod ang pinakabata sa pitong bagong santo na idineklara ng Vatican.

Kasabay naman nang canonization ay nagdaos rin naman ng banal na misa para kay Calungsod sa Blessed Pedro Calungsod Shrine na matatapuan sa Cebu City, na siya umanong pinagmulan ng bagong santo.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply