Cardinal Rosales itinalagang special envoy ng Santo Papa sa FABC

ITINALAGA ni Pope Benedict XVI si Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales bilang kanyang special envoy sa 10th plenary assembly ng Federation of Asian Bishops’ Conferences (FABC) ngayong taon.

Ayon sa Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP), ang okasyon ngayong taon ay may temang “FABC at Forty Years – Responding to the Challenges of Asia: The New Evangelization,” at nakatakdang isagawa sa Xuan Loc Diocese Pastoral Centre sa Nobyembre 19-25.

Ang naturang asembliya ay nabatid na idinaraos tuwing ikaapat na taon, at ang pagtitipon ngayong 2012 ay kasabay ng ika-40 taong anibersaryo ng FABC, na siyang top body ng Simbahang Katoliko sa Asya.

Inaasahang ang naturang plenary assembly ay dadaluhan ng may 100 partisipante na kalimitan ay mga pangulo ng mga bishops’ conferences, theologians at iba pang church leaders.

Nabatid na ang delegado ng Pilipinas sa asembliya ay pangungunahan ni CBCP at Cebu Archbishop Jose Palma.

Makakasama ni Palma ang anim na iba pang lider ng simbahan na nahalal sa regular meeting ng CBCP noong Hulyo at kinabibilangan nina Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, Archbishop Antonio Ledesma ng Cagayan De Oro, at mga obispong sina Mylo Hubert Vergara ng Pasig, Crispin Varquez ng Borongan, Leonardo Medroso ng Tagbilaran, at Emmanuel Cabajar ng Pagadian.

Ang FABC ay may miyembrong 15 bishops’ conferences na kabilang ang Pilipinas, Bangladesh, India, Indonesia, Japan, Kazakhstan, Korea, Laos-Cambodia, Malaysia-Singapore-Brunei, Myanmar, Pakistan, Sri Lanka, Taiwan, Thailand at Vietnam.

Mayroon rin itong 10 associate members na kinabibilangan ng Hong Kong, Macau, Mongolia, Nepal, Kyrgyzstan, Siberia (Russia), Tajikistan, Turkmenistan, Uzbekistan at East Timor.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply