Carnapper arestado sa Parañaque

ARESTADO sa bisa ng warrant of arrest ang isang hinihinalang karnaper sa isang operasyon sa Paranaque City habang isang suspek naman ng pamamaril ang nadakip ng mga tauhan ng Makati City Police, kamakalawa.

Sa ulat na natanggap ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) buhat sa Pasay City Police, nakilala ang hinihinalang karnaper na si Jo Albert Canillo, 25-anyos, residente ng Rivera Village, Pasay.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nag-check-in ang suspek sa loob ng Orange Apartelle sa may Sucat, Paranaque City.

Agad na sinalakay ng mga pulis ang naturang lugar kung saan hindi na nakapalag ang suspek nang ihain sa kanya ng mga pulis ang warrant of arrest buhat sa Pasay Regional Trial Court branch 118 sa kasong carnapping.

Sa ulat naman na ipinadala ni P/Sr. Supt. Manuel Lukban sa NCRPO, kinilala nito ang nadakip ng kanyang mga tauhan na si Ronaldo Rico, 45-anyos, ng Brgy. Hulo, Mandaluyong City.

Nabatid na nakaangkas ang biktimang si Ruben Niegos sa tricycle ng kapwa driver na si Alfonso Ruivivar dakong alas-6 kamakalawa ng gabi sa may kanto ng Jupiter Street at Makati Avenue nang harangin sila ni Rico lulan ng isang scooter at agad na paputukan.

Tinamaan ng bala sa balikat si Niegos ngunit nagawa pa rin nitong makipag-agawan ng baril sa suspek upang hindi na muling maiputok. Agad na tumakas si Rico ngunit hinabol ng mga tricycle driver at mga pulis hanggang sa masukol ito.

Nakumpiska sa suspek ang kalibre .22 baril na gamit nito sa pamamaril, isang balisong, at 28 mga bala.  Nahaharap na ngayon ang suspek sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms habang inaalam ng pulisya ang motibo ng tangkang pamamaslang.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply