Comelec: 2013 ARMM polls tuloy

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy ang pagdaraos ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa susunod na taon.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., hindi naman kaagad na lulusawin ang ARMM kaya’t hindi maaapektuhan ang halalan nang pagpapalit ng political entity ng rehiyon.

“The ARMM would not be dissolved immediately… So it will not affect the ARMM elections synchronized with all the rest… It should not affect our preparation for the 2013 ARMM elections,” ayon pa kay Brillantes.

Nauna rito, inianunsiyo ng pamahalaan na nagkasundo na ito at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na lumikha ng bagong political entity na Bangsamoro, kapalit ng ARMM.

Nilinaw naman ng poll chief na maaaring abutin pa ng taon ang transition bago ito tuluyang maisagawa.

“Lawmaking itself would take time. Palagay niyo ba hindi magdedebate ang Kongreso sa preliminary agreement? This is a new set-up,” ani Brillantes, na ang tinutukoy ay ang kinakailangang lehislasyon para sa pagpapatupad ng framework plan.

Sinabi rin Brillantes na ang Comelec din ang mamumuno sa plebisito na isasagawa hinggil sa plano, na posibleng maganap sa taong 2016.

Matatandaang ang ARMM polls ay orihinal na isasagawa sana noong Agosto 2011 ngunit hindi ito natuloy at sa halip ay isasabay na lamang sa 2013 polls sa Mayo.

Kumpiyansa naman si Brillantes na magiging tahimik at kaunti ang tensiyon sa pagdaraos ng ARMM elections, base na rin aniya sa matahimik na filing ng certificates of candidacy (CoC) sa rehiyon noong nakaraang linggo.

“Ako nagpe-predict na ako. Tahimik ang ARMM elections. Ang prediction namin ito ang magiging pinakatamihik na ARMM elections… with or without the Bangsamoro entity,” pagtatapos pa ng poll chief.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply