Chiz, Cynthia Villar naghain ng CoC

TULAD ng inaasahan sunud-sunod na ring naghahain ng kanilang certificates of candidacy (CoC) sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kilala at mga hindi kilalang personalidad na nagnanais na lumahok sa senatorial race sa 2013 midterm elections.

Sa ikalawang araw ng paghahain ng CoC, nanguna sina Senator Francis “Chiz” Escudero at dating Rep. Cynthia Villar sa paghahain ng CoC sa pagkasenador sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila.

Nabatid na maaga pa lang ay dumating na si Escudero sa Comelec para maghain ng CoC, kasama ang kanyang mga staff.

Nang tanungin kung bakit hindi niya kasama ang aktres na si Heart Evangelista, na nali-link sa kanya ngayon, pabiro nitong sinabi na nagpapahinga yata ang aktres.

Tumanggi rin naman ang re-electionist senator sa mga katanungan kung tutulong ang aktres sa kanyang pangangampanya at iginiit na wala pa silang plano kaugnay dito.

Hinggil naman sa isyu ng Cybercrime Law, sinabi ni Escudero na maghahain siya ng panukalang batas para maamyendahan ito at maalis ang criminal liability sa libel provision ng batas.

Samantala, kasunod ni Escudero na naghain ng kandidatura sa pagkasenador sa Comelec main office si Villar, na dating mambabatas ng Las Piñas.

Kasama ni Villar ng dumating sa Comelec ang anak na si Cong. Mark Villar at mister na si Sen. Manny Villar, na nagsasabing kuwalipikado sa pagkasenador ang kanyang misis dahil sa karanasan nito bilang kongresista noon.

Sinagot naman ni Cynthia ang isyu ng umano’y premature campaigning dahil sa kanilang mga TV advertisement at sinabing ang ipinu-promote nila doon ay ang Villar foundation na naitayo noon pang 1992. Iginiit rin nito na sariling pera din nila ang ginamit sa mga nasabing advertisement.

Samantala, naghain rin ng kandidatura sa Comelec si Valeriano Peralta Nocon, na nagpakilalang isang kompositor.

Habang isinusulat ang balitang ito ay tatlo pa lamang ang naghahain ng CoC sa Comelec main office.

Taliwas naman sa mala-circus na atmospera sa Comelec headquarters noong kahapon, naging tahimik naman ang ikalawang araw ng CoC filing dahil sa manaka-nakang pag-ulan.

Inaasahan namang sunud-sunod nang mahahain ng CoC ang iba pang aspiring senatorial candidates sa mga susunod na raw lalo na’t tiniyak ng Comelec na hindi na sila magpapatupad ng extension sa CoC filing.

Ang deadline sa paghahain ng kandidatura ay itinakda ng Comelec ganap na 5:00 ng hapon sa Biyernes, Oktubre 5.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply