Comelec haharap sa imbestigasyon ng Senado

HANDA ang Commission on Elections (Comelec) na humarap sa posibleng imbestigasyon ng Senado kaugnay sa pagdidiskwalipika sa mga party-list group na may planong lumahok sa May 2013 elections.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., alinsunod naman sa batas ang ginagawa nilang desisyon sa bawat party-list kaya nakahanda sila sa anumang imbestigasyon.

“Okay lang. Wala hong diperensya sa’min. Hindi naman namin ginagawa ito para magtanggal ng mga ulo diyan o mag-hack ng mga tao o partido kasi ito ho ang pagtingin namin,” ani Brillantes.

Nanindigan din si Brillantes na masusi nilang pinag-aaralan ang mga dokumento ng may 300 party-list groups na nais lumahok sa halalan.

Iginiit din nito na hindi naman sila naglalabas ng pangalan ng tinanggal na grupo hangga’t walang pirmadong resolusyon.

Ang pahayag ni Brillantes ay kasunod ng pagpapaimbestiga sa Senado ni Sen. Koko Pimentel, chairman ng Senate Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sa Comelec dahil sa pagdiskwalipika  sa mga party-list groups na kasalukuyang may kinatawan sa kamara.

Nanindigan naman ang Comelec na tinanggalan nila ng akreditasyon ang mga naturang party-list groups dahil hindi  tunay na kumakatawan ang mga ito sa marginalized sector na tinutukoy sa Saligang Batas.

Sa ngayon ay apat nang incumbent party-list groups ang diniskuwalipika ng Comelec kabilang ang Ako Bicol, APEC, at I-CARE.

Bukod sa kanila, natanggalan na rin ng akreditasyon ang Ang Galing Pinoy (AGP) party-list ni dating presidential son Mikey Arroyo dahil sa pagkabigong magpakita ng sapat na ebidensiya na nagpapatunay na kinakatawan nito ang mga security guard.

Ayon kay Brillantes, natanggalan ng akreditasyon ang AGP bunsod ng teknikalidad dahil sa pagkabigong dumalo sa hearing ng poll body.

Gayunman, kahit pa nakadalo sa pagdinig ay maaaring matanggalan rin ng akreditasyon ang grupo dahil ang sektor na kinakatawan nito ay hindi naman kasali sa listahan ng mga marginalized sectors na tinutukoy sa ilalim ng Konstitusyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply