Comelec: CoC filing hanggang bukas na lang

MULING nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hanggang bukas, Biyernes na lamang sila tatanggap ng certificate of candidacy (CoC) mula sa mga aspiring candidates para sa May 2013 midterm polls.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., hindi na sila magbibigay pa ng ekstensyon sa filing period na tumagal lamang ng limang araw.

Bukas, hanggang 5:00 ng hapon tatanggap ng CoC ang Comelec, taliwas sa naunang nakaugalian na inaabot ng hanggang hatinggabi ang paghahain ng kandidatura.

Kaugnay nito, inaasahang dadagsa na sa mga Comelec office sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga kandidato na hindi pa nakapaghahain ng kanilang kandidatura para sa posisyong planong takbuhan sa halalan.

Tiniyak naman ng Comelec na handa sila sa posibleng pagdagsa ng mga maghahain ng CoC at mga tagasuporta nito.

Mahigpit pa rin ang seguridad sa mga tanggapan ng Comelec para matiyak na magtatapos ang filing period ng matiwasay.

Ang filing period ay sinimulan noong Lunes, Oktubre 1.

Kaugnay nito, naging matumal naman ang ikaapat na araw ng paghahain ng CoC sa Comelec main office sa Intramuros, Manila.

Hanggang 2:00 ng hapon ay lima pa lang ang personalidad na naghain ng kanilang kandidatura para sa pagka-senador. Ito ay kinabibilangan nina Vergel Galang, ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), tubong Pampanga; isang pastor at engineer na nagsabing isusulong ang pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos; Leo Cadion mula pa rin sa KBL at isang negosyante na may platapormang bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga opisyal ng barangay.

Naghain rin ng CoC si Leonardo Bula, isang welder mula sa Eastern Samar na ang ninanais ay tanggalin ang katamaran sa mga empleyado ng gobyerno at si Florentino Baguio, na isang OFW na may mga programa para sa kalikasan.

Panghuli namang nagsumite ng kandidatura si Benjamin Handumon, mula sa Misamis Occidental ngunit sa Makati na nakatira ngayon, bilang independent candidate, na ang hangad ay wakasan ang kahirapan sakaling palaring maluklok sa puwesto.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply