Comelec: Kahulugan ng ‘marginalized’ lilinawin

NAKATAKDANG maglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng depinisyon o tunay na kahulugan ng salitang ‘marginalized’ na nakasaad sa Partylist Act.

Ito’y kasunod ng petition for disqualification na isinumite ng mga militanteng grupong League of Filipino Students, Kilusang Mayo Uno, Anakbayan at iba pa, laban sa grupong Akbayan Citizen’s Action partylist.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., plano nilang maglabas ng depinisyon ng salitang ‘marginalized’ upang maiwasan ang pagkalito sa tunay na kahulugan nito.

“Wala kang definition ng marginalized eh. Ilalabas sa decision namin kung ano ang definition ng marginalized,” aniya pa.

Nauna rito, nakatanggap ng liham si Brillantes mula sa mga militanteng grupo na humihiling na madiskuwalipika ang Akbayan sa 2013 polls.

Ayon sa kanila, ang Akbayan ay hindi na kabilang sa marginalized at underrepresented sector dahil ang mga miyembro at nominado ng mga ito ay nagsisilbi na sa pamahalaan.

Gayunman, sinabi naman ni Brillantes na maging ang mga government official ay maaari ring maging marginalized.

“Maski former government official pwede naman maging marginalized,” ani Brillantes. “Bakit naman sila hindi? Kung clerk lang siya ng government club, or government utility, hindi ba siya marginalized?”

Sa ilalim ng Republic Act 7941 o mas kilala sa tawag na Partylist Act, ang mga partylist representatives ay kinakailangang kabilang sa marginalized at underrepresented groups o sector.

Kabilang sa mga sektor na pinapayagang lumahok sa partylist electiosn ay yaong mga kabilang sa “labor, peasant, fisherfolk, urban poor, indigenous cultural communities, elderly, handicapped, women, youth, veterans, overseas workers, at professionals.”

Inaasahan namang makapaglalabas naman ng desisyon ang Comelec kung ano-anong partylist group ang papayagan nilang lumahok sa halalan sa katapusan ng buwang ito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply