Comelec: Last nine days ng voters registration

SIYAM na araw na lamang ang natitira at tuluyan nang magtatapos ang registration period na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2013 midterm elections.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Sr., dapat na samantalahin ng mga botante ang natitirang araw nang pagpaparehistro para makaboto sa halalan sa susunod na taon.

Ang deadline para sa pagpaparehistro ay hanggang sa Oktubre 31 na lamang ng buwang ito, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado.

Muling ipinaalala ng Comelec na hindi na nila palalawigin pa ang registration period dahil sapat na ang panahong ibinigay nila sa mga botante para makapagparehistro.

Aminado naman si Brillantes na dahil sa ugali ng mga Pinoy na ‘mamaya na’ o ‘saka na’ ay tiyak na ngayon pa lamang dadagsa sa mga tanggapan ng Comelec ang mga ito para magparehistro.

Pinaalalahanan pa niya ang mga aplikante na hindi na magiging madali ang pagpaparehistro sa ngayon dahil sa mahabang pila sa mga Comelec offices.

Gayunman, hindi naman aniya dapat na sisihin ng publiko ang Comelec dahil mahigit isang taon na nilang hinihimok ang mga ito na magpatala.

Sa pamamagitan naman ng Twitter ay pinaalalahanan din ni Comelec Spokesman James Jimenez ang publiko na maghanda na para sa nalalapit na botohan.

“This is it, people. Last nine days of voter registration, validation, transfer, and reactivation! Help us retweet this, so there’ll be no excuses,” tweet pa ni Jimenez.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply