Comelec: Unang araw ng CoC filing, mala-circus

MISTULANG naging mala-circus ang unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC) sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila kaninang umaga.

Ito’y dahil sa iba’t ibang gimik na inihanda ng mga tagasuporta ng iba’t ibang partido na lalahok sa May 13, 2013 mid-term elections.

Bumandera ang mga streamer, banner, banda, sayawan, awitan at kung anu-ano pang gimik na inihanda ng mga supporter sa harapan ng Comelec habang naghihintay sa pagdating ng mga kandidato sa pagka-senador na kanilang sinusuportahan.

Labis namang ikinadismaya ito ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., at umapela sa mga kandidato at mga partido-pulitikal na huwag gawing circus ang paghahain ng CoC.

Kaugnay nito, nilinaw ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi tahasang ipinagbabawal sa batas ang naturang pagpapakita ng suporta sa mga kandidato.

Ayon kay Jimenez, ang Comelec lamang ang humihiling na hangga’t maaari ay iwasan o hindi kaya’y bawasan man lamang ito.

“Hindi naman kasi tahasang ipinagbawal iyan. Ang sabi lang natin i-tone down nila at hangga’t maaari kung maiiwasan, iwasan sana. Pero ultimately wala pong pagbabawal diyan,” ayon kay Jimenez.

Sinabi rin ni Jimenez na mistulang ‘premature campaigning’ na ang malapiyestang atmospera sa Comelec ngunit inaming wala naman silang magagawa upang pigilan ito.

Aniya, ang tanging magagawa lamang ng Comelec ay kontrolin ang mga supporter upang hindi makapasok ang mga ito sa loob ng kanilang tanggapan.

Inamin din naman ng Comelec spokesman na kahit ang pamimigay ng mga pamaypay, at mga T-shirt na may pangalan ng mga kandidato ay hindi rin umano maaaring ipagbawal ng Comelec.

Aniya, mare-regulate lamang nila ang pagpapamigay ng kung anu-ano ng mga kandidato sa panahon ng campaign period.

“Walang pagbabawal. T-shirts, fans even during the campaign period medyo may sarili tayong regulations pero ngayon wala talaga kasi wala pang campaign period. Pagpasok ng campaign period then we regulate everything,” aniya.

Umapela rin naman si Jimenez sa mga supporter na bantayan ang kanilang sariling hanay at iwasang lumikha ng kaguluhan o karahasan.

Inaasahang magtatagal ang paghahain ng CoC hanggang 5:00 ng hapon sa Oktubre 5, 2012.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply