Corona humarap sa DOJ panel sa kanyang tax case

LUMANTAD rin sa Department of Justice si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona upang harapin ang kasong tax evasion na isinampa laban sa kanya at sa kanyang anak na si Cristina.

Pasado 9:00 ng umaga ng dumating si Corona kasama ang misis na si Cristina, pero hindi ito umakyat sa multipurpose hall kung saan ginawa ang pagdinig.

Isinumite rin ni Corona ang kanyang counter affidavit kung saan pinanumpaan n’ya ito sa harap ng panel of prosecutors.

Sa maikli namang panayam kay Corona, sinabi nito na nagtungo siya sa DoJ para harapin ang umano’y malisyoso at walang basehang reklamo laban sa kanya.

Iginiit rin nito na politically motivated ang reklamo na isinampa ng Bureau of Internal Revenue laban sa kanya bilang resulta ng desisyon ng SC sa usapin ng Hacienda Luisita.

Nagpaabot rin ito ng mensahe sa mga nasa hudikatura na sumunod sa Malakanyang para hindi mangyari sa kanila ang nangyari sa kanya.

Matatandaan na isa ang HLI case sa sinasabing dahilan kaya umano isinulong ang impeachment noon laban kay Corona.

Kinuwestyon ni Corona kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapamahagi sa mga magsasaka ang bahagi ng Hacienda Luisita.

Ayon kay Corona, 6 na buwan na ang nakakalipas mula ng ilabas ng SC ang pinal na desisyon sa kaso pero hanggang ngayon hindi pa rin ito naipapamahagi sa mga magsasaka.

Matatandaan na sa desisyon ng SC noong Abril 2012 ay pinal ng sinabi ng Kataas-taasang hukuman na dapat maipamahagi sa halos 6,000 farmer beneficiaries ang halos 5,000 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply