Cyber libel labanan, pagbabago isulong

SA umagang ito, hihilingin natin ang basbas ng Poong Maykapal para magkaroon tayo ng magandang kalusugan at lakas na maglalakad patungo sa Supreme Court.

BATAS HARANGIN

Ihahain natin sa SC ang isang kahilingan na harangin nito ang pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA 10175, lalo na ang cyber libel na nilalaman ng batas na ito.

Hihilingin natin sa mga pinagpipitagang Hukom ang pagpapatigil ng implementasyon ay gagawin habang hindi nadedesisyunan ng mismong SC ang mga sari-saring usapin na nilalaman ng maraming petisyon at hangga’t wala pang pagbabago sa batas na gustong gawin naman ng mga mambabatas.

LABAN SA ANTI-CYBERCRIME LAW

Tutol o laban tayo, mga Bro, sa batas na ito, lalo na sa probisyon nito sa libelo.

Bahala na ang mga abogado kung paano nila patutunayan ang pagiging labag ng batas na ito sa 1987 Constitution, sa ibang mga batas na umiiral sa bansa at sa mga batas
ng United Nations.

Ang sa atin ay ang aplikasyon ng batas sa atin habang naghahayag tayo ng ating mga saloobin laban sa mga opisyal at tauhan ng pamahalaan kaugnay ng mga gawain o transaksyon nila na labag sa kanilang mga sinumpaang tungkulin, batas at Konstitusyon.

Kasong libelo karaniwan ang isinasampa laban sa atin upang tayo ay manahimik sa harap ng kanilang mga pagnanakaw sa kaban ng bayan at pang-aabuso sa tungkulin at kapangyarihan.

KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG

Ang kalayaan sa pamamahayag at pagsasalita, mga Bro, ang gustong sirain ng cyber libel.

Sa oras na magpahayag at magsalita tayo gamit ang computer, laptop, internet, cellphone at iba pang katulad na paraan ng komunikasyon, cyber libel ang pampatahimik sa atin.

Paano, pupuwede tayong matakot na magpatuloy sa paghahayag at pagsasalita.

Sa mga hindi matatakutin, ang hukuman ang panggagalingan ng kautusan na tumigil na tayo sa kapapahayag at kasasalita.

Alam ba ninyo kung gaano katagal yan?

Hanggang sa matapos ang kaso sa Supreme Court.

Siguro, makaraan ang 20-30 taon.

Wala na at patay na si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa katandaan, tigil ang ating paghahayag at pagsasalita.

KULONG SA NAKAPATAY

Bukod sa takot natin at pagpapatahimik sa atin ng hukuman, nais din tayong ikulong nang parang nakapatay
ng kapwa.

Karaniwang gamit ng mga nasa pamahalaan ang kanilang mga impluwensiya sa mga piskal, huwes at Hukom, mga Bro, sa mga kasong kanilang isinasampa laban sa mediamen at iba pang naghahayag ng mga katotohanan at puna sa mga pagnanakaw at pang-aabuso ng mga nasa gobyerno.

Dahil dito, kapag kinasuhan ka, malamang na mako-convict ka.

Anak ng tokwa, 6 taon at 1 araw hanggang 12 taon ang pagkakabilanggo natin.

Paano kung tinadtad tayo ng mga kaso, yun bang ===tinira tayo ng ilang count tapos papatawan tayo ng maximum na parusa, sa apat lang na count, mabubulok na tayo sa kulungan.

12 x 4 counts = 48 years na pagkakulong.

Sa Bilibid tayo bubulukin ng mga tarantadong ayaw mabulgar ang kanilang mga pagnanakaw at pang-aabuso.

DANYOS NAPAKALAKI

Hindi natin makita, mga Bro, sa batas na ito ang eksaktong danyos para sa nagkasala ng cyber libel.

Pero yung iba na parurusahan ay pinagdadanyos ng halagang mula sa P50,000 hanggang P1 milyon.

‘Yung iba, pagbabayarin ng P200,000 hanggang P1M.

P200K-P10M NA DANYOS

Dahil katumbas ang parusa sa cyber libel ang sa child pornography na 6-12 para sa mga kakosa sa Bilibid, malamang na nasa P200,000-P1M ang danyos sa cyber libel.

Pagbabayarin din ang mga kompanya natin ng P10M kung sinadya o intentional at pagpapalabas ng balita na libelous umano, at kung hindi sinasadya o may kapabayaan lang ng mga responsableng opisyal o tauhan ng kompanya, P5M and danyos.

KULONG AT GUTOM

Anak ng tokwa, gaya ng nasabi natin, paano kung apat na beses kang idinemanda ni senador, kongresman, taga-Palasyo, gob o meyor kaya at 4 beses ka nilang pina-convict, eh, di magkandaletse-letse na ang buhay mo.

Makukulong ka na habambuhay, mababangkrap pa ang iyong negosyo.

‘Yun bang === tangggal na ang kalayaan mo sa pamamahayag at pagsasalita, mahihirapan at mamamatay ka pa sa gutom.

PIYESTA TULOY

Habang nakakulong ka, tuloy ang ligaya sa pagnanakaw at pang-aabuso ng mga nag-cyber libel sa iyo.

Tuloy-tuloy ang kanilang mga political dynasty.

Magpapalit-palitan o magsasabay-sabay na mayor, gob, kongresman, senador at secretary sa Palasyo ang mga magkakapatid, magkakamag-anak, magkakabarkada at kung ano-ano pa para magiging tuloy-tuloy ang ligaya ng mga animal na ito.

RA 10175 LABANAN

May nagtatanggol sa batas na anti-cybercrime law ngunit lumalabas na mas marami ang ayaw sa batas.

Karaniwang yung mga may itinatago o pinoprotektahan ang nagtatanggol sa batas na ito.

Sa pakiramdam natin, parang buhay na buhay ang people power sa ngayon.

Ito ang dapat na pag-ingatan ng mga tagapagtanggol ng nasabing batas.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply