DOJ: Cybersex crime, malulutas sa RA 9995

HUMAHANAP na ng paraan ang Department of Justice upang malutas ang test case o unang kaso na dapat ay lilitisin sana sa ilalim ng RA 10175 o mas kilala bilang Cyber Crime Prevention Act of 2012 na pinigilan ng Supreme Court na ipatupad.

Sa panayam kay Justice Secretary Leila de Lima, tiniyak na pag-aaralan ng DOJ kung may iba pang batas na maaaring sumaklaw sa unang kaso ng cyber crime na isinampa sa DOJ ng isang 17-anyos na babae.

Ayon sa kalihim may ibang batas na maaaring magamit sa paghahabol sa mga responsable sa pagpapakalat  sa cyberspace ng sex video ng complainant.

Binanggit ni De Lima na isa sa mga batas na maaaring pagbatayan sa pagsusulong ng nasabing kaso ay ang Republic Act  9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Aminado si De Lima na hindi nila mapipigil ang iba pang biktima ng cybercrime law na maghain ng reklamo sa kanila kahit na may pinalabas na temporary restraining order o TRO ang Kataas-taasang Hukuman.

Ipababatid rin, aniya, sa mga complainant na walang magagawa ang DOJ kundi ang pag-aralan ang kaso  ngunit hindi iyon katiyakan na maoobliga ang magiging respondents na sumagot sa asunto dahil sa TRO.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply