Dagdag pasahe sa MRT pag-aralan muna – solons

DAPAT munang pag-isipan nang husto ng pamahalaan ang iba pang opsyon bago ipatupad ang planong dagdag na P10 na pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT).

Ito ang panawagan ng grupong Makabayan sa Kamara at anila’y dapat seryosohin ng pamahalaan ang ibang pagpipilian para makatulong sa pagbibigay subsidiya sa singil ng pamasahe sa MRT.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño, may ibang opsyon na magagawa ang gobyerno para matugunan ang pangangailangan para sa pagbibigay serbisyo sa mga mananakay ng MRT at hindi ang pagpasan sa kanila ng dagdag na pamasahe ang kasagutan dito.

Iginiit nitong alisin na ang mga perks at bonuses sa management ng MRT at ayusin ang mga utang at iba pang kwestiyunableng business arrangements na pinasok dito ng nakaraang administrasyon.

Isa pang solusyon na nakikita dito ay ang pagdadagdag ng tren para mas maraming commuter pa ang sasakay sa MRT at tiyak na magkakaroon na dagdag na kita dito.

Dagdag pa dito ay hilingin din sa mga mall at malalaking establisimiyento na nadadaanan ng tren na magbigay din ng subsidy fund bilang parte ng kanilang serbisyo sa mga costumer din nilang sumasakay sa MRT.

Panghuli pa dito ay himukin ang mga local government units (LGUs) na magbigay din ng kontribusyon dahil may nakukuha rin namang benepisyo ang mga residente nila dito.

Subalit ang panawagan na lamang nina Marikina Rep. Miro Quimbo at AKO Bicol PL Rep. Rodel Batocabe sakaling hindi na maiwasan ang pagtataas ng pamasahe sa MRT ay makabubuti anilang ipaunawa ito sa riding public kung bakit may pagtataas sa pamasahe.

Paliwanag ni Quimbo, hindi makatwiran na buong sambayanan ang sumasagot sa subsidiya na ibinibigay ng pamahalaan sa MRT gayong mga taga Metro Manila lamang ang nakikinabang dito.

Giit nito, kailangan maintindihan ng mga commuter na hindi uunlad ang MRT kung walang sapat na budget na magmumula sa pamasaheng ibinabayad ng mga tao.

Para naman kay Batocabe, bukod sa pagpapaliwanag ay dapat ding ayusin ang serbisyong ibinibigay ng MRT para hindi mabigat sa pakiramdam at patas lamang ang dagdag na pasahe sa publiko.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply