DBP, nilooban ng mga miyembro ng acetylene gang

HINIHINALANG mga propesyunal na magnanakaw at miyembro ng “Acetylene Gang” ang nanloob sa Development Bank of the Philippines nang putulin ang bakal na nakakabit sa bintana ng comfort room na siyang nagsilbing pasukan ng mga ito at napigil din nila ang security alarm sa loob ng naturang bangko sa Muntinlupa City.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt Leonardo Espina, dakong alas-8 kaninang umaga lamang natuklasan ng mga empleyado ang nangyaring pagnanakaw sa loob ng bangko na posibleng nilooban sa pagitan ng Oktubre 26 hanggang 29.

Malayang napasok ng mga kawatan ang bangko nang putulin ang bakal na nakakabit sa bintana ng comfort room na matatagpuan sa likod na bahagi ng DBP.

Wala ng lamang salapi ang vault nang makita ng bank employees kung saan may dalawang talampakang laki ng butas din ang natuklasan sa lugar.

Samantala, nagsasagawa ng masusing imbestigasyon si Muntinlupa City Police OIC Senior Supt. Conrad Capa hinggil sa insidente kung saan tiwala siyang pawang mga bihasang magnanakaw ang mga suspek dahil matagumpay na natakpan ng mga ito ang closed circuit television (CCTV) cameras sa pamamagitan ng papel at tinanggalan pa ng compact discs (CDs).

Bukod rito, pinutol din ng mga suspek ang mga kable na konektado naman sa smoke alarm ng nasabing bangko dahilan upang hindi ma-detect ng mga naka-duty na mga guwardiya ng DBP.

Patuloy pang dinidetermina ng pulisya ang kabuuang salapi na natangay ng mga suspek mula sa naturang bangko.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply