Direk Marilou Diaz-Abaya, inilibing na

INIHATID na sa kanyang huling hantungan ang multi-awarded director na si Marilou Diaz Abaya sa Loyola Memorial Park sa Paranaque City kaninang umaga.

Bukod sa kanyang pamilya, sumama sa paghatid kay Abaya sa kanyang himlayan ang malalapit na kaibigan nito na tulad ng kapwa direktor na si Laurice Guillen at anak na si Ina Feleo; Jhong Hilario; Cesar Montano at iba pa.

Sa huling misa na isinagawa ni Caceres Archbishop Leonardo Legazpi, sinariwa nito ang naging mahirap na laban ng batikang direktor sa cancer.

Sumailalim aniya si Abaya sa dalawang operasyon, walong cycle ng chemotherapy at 33 radiation session.

Bunsod aniya nito ay lalong napalapit ang premyadong direktor sa Panginoon.

Malaking kawalan ayon kay Legazpi, hindi lang sa kanyang pamilya kundi sa industriya, ang pagpanaw ni Direk Marilou.

Bumaha naman ng emosyon nang magbigay ng eulogy ang singer na si Marc Abaya, isa sa dalawang anak ng direktor.

Ayon kay Marc, ang kanyang ina ang legacy ng kanilang pamilya at pinakamagaling na guro.

Biro pa nito, hanggang sa huli ay direktor pa rin ang asta sa kanila ng ina dahil ito ang nagplano ng apat na araw niyang burol at libing bago ito namayapa.

Binasa rin ni Marc ang liham na iniwan ng ina bago pumanaw na nagpapasalamat sa kanyang pamilya, kaibigan at kagaya niyang cancer patients.

Bago ilabas ng simbahan at dalhin sa libingan, binigyan ng masigabong palakpakan si Abaya bilang pagpupugay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply