Disqualified partylist group muling umapela

UMAPELA pa kanina ang grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa Commission on Elections (Comelec) na madaliin ang paglalabas ng resulta ng apela ng mga na-disqualify na partylist na tatakbo sa Kamara sa 2013 elections.

Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, tama lamang na linisin ng Comelec ang talaan ng mga partylist, ngunit maging patas sana sila sa pagtanggap ng nominees.

Aniya, dapat makita ng Comelec na tapat ang layunin ng isang partylist na aplikante tulad ng ALAM.

Sinabi pa ni Yap na nangangailangan ang mga maliliit na media ng boses sa Kamara dahil kahit pa sinasabi nilang makapangyarihan ang media, nasa papel lamang ang kapangyarihan nila.

Mga mamamayan din ang mediamen na nangangailangan ng suporta ng gobyerno upang maitaguyod ang kanilang pamilya.

Matatandaang na-disqualify ang ALAM dahil sa kakulangan sa tract record.

Idinagdag pa ni Yap na ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, isa sa mga may-akda ng partylist law, nakasaad sa Republic Act No. 7941 o Partylist System Act na hindi kailangang naghihirap rin ang magiging representative ng marginalized sector na kanilang kinakatawan.

Ang kailangan lamang ay mapangatawan nila ang kanilang ipinaglalaban at nagagawa niya ang kailangang tungkuling mairepresenta ang kanilang grupo.

Kahapon, dalawang incumbent party-list groups na naman ang ibinasura ng Comelec.

Ito ay ang Association of Philippine Electric Cooperatives (APEC) at 1st Consumers Alliance for Rural Energy (1-CARE).

Ang 1-CARE ay may kasalukuyang dalawang kinatawan sa Kamara habang may solong representative naman ang APEC.

Noong nakaraang linggo naman, ibinasura rin nila Ako Bicol at 12 pang partylist organizations.

Sinabi naman ni Comelec chairman Sixto Brillantes, “unanimous” ang boto ng en banc para sa nasabing mga disqualification.

Para naman sa mga umapela, wala pa umanong resulta dahil inuuna nila ang paglilinis ng listahan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply