DOH: LPG taxi delikado ‘pag mali ang conversion

DELIKADO sa kalusugan ang maling conversion ng auto-liquefied petroleum gas (LPG), ito ang babala ng Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR).

Ayon kay DOH-NCR Regional Director Dr. Eduardo Janairo, dapat magpa-convert lamang ng auto-LPG ang mga taxi operator at drivers sa mga lehitimo o accredited conversion facilities ng Department of Trade and Industry (DTI) upang makasigurong ligtas ang kanilang taxi.

Ani Janairo, hindi masamang magmaneho o sumakay sa auto-LPG taxis at sa katunayan ay mas nakakatulong ito sa kalikasan ngunit kung mali ang pagkakaka-convert ng makina nito ay nagiging mapanganib.

Marami umanong hindi accredited ng DTI na conversion facilties ang pinupuntahan ng mga taxi operator dahil mas mura ngunit hindi ligtas ang pagko-convert ng auto-LPG units.

Aniya, mas makabubuting magpa-convert sa mga accredited na kumpanya upang makaiwas sa aksidente.

Dagdag pa ni Janairo, mas nakasisigurado sa mga accredited na kumpanya dahil mino-monitor ng DTI ang standard nito.

Matatandaang batay sa pag-aaral ng Rapid Assessment for Monitoring Exposure Risks in Conventional and Alternative Fuel Use among the Public Transport Sector Study at University of the Philippines (UP) National Poison Management and Control Center, mapanganib sa kalusugan ng tao ang madalas na paglanghap ng LPG partikular ang auto-LPG taxis.

Ani Janairo, nalalanghap ng mga driver at pasahero ang kemikal sa loob ng mga taxi na pinatatakbo ng LPG at pumapasok ito sa kanilang balat, kaya may mga sumasama ang pakiramdam o tuluyang nagkakasakit.

Mas delikado umano ito sa buhay ng mga driver dahil mahigit sa 12 oras kada araw nilang nalalanghap ang LPG sa kanilang minamanehong taxi.

Payo ni Janairo, buksan ang bintana ng taxi at patayin ang aircon upang makalabas ang masamang hangin kapag nakaparada ang taxi upang mabawasan ang masamang epekto nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply