Abalos, humirit na payagang makalabas ng bansa

HUMIRIT ang kampo ni dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos, Sr. na payagan siyang makalabas ng bansa anumang araw sa buwan ng Nobyembre para sa apat na araw na pakikipag-usap sa mga negosyante sa Taiwan.

Batay sa kahilingan na isinumite sa sala nina Judge Jesus Mupas ng Branch 112 at Judge Eugenio Dela Cruz ng Branch 117 ng Pasay RTC, sinabi ni Abalos na nais niyang tuklasin at alamin ang posibilidad ng
magandang oportunidad sa pagnenegosyo partikular sa pagpapalago ng murang bangus.

Ikinatuwiran pa ni Abalos na sa kasalukuyan ay kulang ang bansa sa mga itlog ng bangus at pagkain ng mga ito na kung mayroon man ay nabibili sa napakamahal na halaga kumpara sa pagkain ng bangus na ibinebenta sa Taiwan. Nasa P28 aniya kada kilo ang pagkain ng bangus sa Pilipinas habang P3 lamang ito sa Taiwan.

Si Abalos ay kasalukuyang nakalalaya sa bisa ng piyansa kaugnay sa kasong electoral sabotage na nakasampa sa dalawang magkahiwalay na korte sa Pasay. Bagama’t nakapaghain ng piyansa, naglabas naman ng kautusan ang korte kaugnay sa pagbabawal sa kanya na makalabas ng bansa.

Binigyan naman ni Judge Mupas ang Comelec ng tatlong araw upang maghain ng kanilang katugunan sa inihaing mosyon ni Abalos bagama’t nagpahiwatig na si Atty. Ma. Juana Valesa, isa sa mga tagausig na
tututulan nila ang hirit ng dating Comelec chairman.

Sinabi ni Valesa na hindi naman hinihingi ng pagkakataon at lalung hindi naman nakasalalay sa buhay at kamatayan ang hirit ni Abalos na makalabas ng bansa kaya’t walang dahilan upang ito’y pahintulutan.

Gagamitin ng tagausig ang dati ng kautusan ng Korte Suprema na nagbasura sa kahalintulad na mosyon dahil maaari namang magpadala na lamang ng kinatawan si Abalos patungong Taiwan upang siyang
makipag-usap sa mga negosyante.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply