Exec probe sa martial law, pinaboran ni JPE

TINANGGAP ni Senate President Juan Ponce Enrile ang hamon na paiimbestigahan ng Executive Department ang lahat ng pangyayari noong kasagsagan ng Martial law kabilang ang kabuuan ng diktadurya ni Marcos.

Sa panayam nitong Linggo, sinabi ni Enrile na walang masama kung paimbestigahan ni Pangulong Benigno Aquino III, na kapwa biktima ng batas military ang magulang nito, matapos ilunsad ang kanyang libro, Juan Ponce Enrile: A Memoir kamakailan.

“Ako nga sinabi ko sa Presidente (Benigno Aquino III) na sumasang-ayon ako na imbestigahan ang buong martial law, “ ayon kay Enrile.

Sinabi pa ni Enrile na kumpleto siya sa dokumento na magpapatunay sa kanyang libro kabilang ang mga insidente at pangyayari sa panahon ng batas military simula nang manilbihan sa Defense Department ni Marcos.

“I heard, gagawa ng komisyon si Presidente upang ungkatin ang Martial Law, okay lamang iyon kasi nasa akin ang lahat ng records nang nangyari. Nasa akin, magmula noong 1970 nang pumasok ko sa Defense Department, kumpleto ang dokumentong kopya ko, na nasa library ko,” paliwanag niya.

Ayon kay Enrile na nakahanda siyang harapin ang anumang imbestigasyon ngunit kailangan lamang umanong humarap sa paglilitis ang lahat ng taong kumukuwestiyon hinggil sa pangyayari at insidenteng naganap sa panahon ng diktadurya ni Marcos na kanyang isinulat sa kanyang libro.

“Handang-handa akong haharap doon, at paharapin din nila ang lumaban sa gobyerno upang magkaalaman na, magtanungan at sasagutin ko ang tatanungin nila sa akin at sasagot nila ang tatanungin ko sa kanila,” ani Enrile.

Aniya, ,kabilang sa kinukuwestiyon na pangyayari sa libro nito ang Plaza Miranda bombing na kung saan maraming miyembro ng Liberal Party kabilang si dating Senate President Jovito Salonga at mamamayan ang nasaktan.

Hindi nakadalo si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., sa proklamasyon ng LP sa naturang insidente.

“Tulad ng Plaza Miranda hindi naman fiction iyon, hindi naman kami gumawa noon. Tulad ng Cabugao fiesta massacre, tinanggal na nga nila iyon eh, maraming nasaktan, pati si Chavit Singson, nandyan buhay pa, hindi namin ginawa iyon. Marami iyan, maraming sundalong pinatay doon, hindi naman kami pumatay doon,” giit niya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply