Filing ng CoCs isinara na ng Comelec

EKSAKTO 5:00 ng hapon nang literal na isara ng Commission on Elections (Comelec) ang pintuan ng punong tanggapan nito sa Intramuros, Manila bilang hudyat nang pormal nang pagtatapos ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa May 2013 elections.

Umaabot sa 84 aspiring senatorial candidates ang nakapaghain ng kandidatura sa loob ng limang araw na paghahain ng COC na itinakda ng Comelec o mula Oktubre 1 hanggang 5.

Sa huling araw ng COC filing pa lamang ay umabot na sa 35 ang senatorial aspirants na naghain ng COCs.

Nabatid na sa kabuuan naman ay pinakamaraming naghain ng COC na independent candidates na umabot sa 48  habang ang iba pa ay kabilang sa iba’t ibang partido sa pangunguna ng Kilusang Bagong Lipunan – 9,  United Nationalist Alliance – 8, LDP Laban – 1, PDP Laban 1, Liberal Party – 3, Democratic Party Philippines – 3,  Makabayan-1, Nationalist Party-3, Ang Kapatiran-3, Nationalist Peoples Coalition-2, Social Justice Society-1 at Akbayan-1.

Kabilang sa mga pinakahuling naghain ng COC ay si Nancy Binay, na anak ni Vice President Jejomar Binay at kumumpleto sa senatorial line up ng United Nationalist Alliance (UNA).

Dakong 4:15 ng hapon nang dumating sa Comelec si Binay, kasama ang kaniyang mga magulang at ilang mga kapartido.

Naghain ng COC sina Sen. Allan Peter Cayetano, Bam Aquino, Risa Hontiveros at dating Sen. Ramon Magsaysay Jr. ng Liberal Party.

Nag-file na rin ng COCs sina Rogelio Tomol, Ulyn Villamor, Norma Nueva ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), dating Cong. Christian Seneres ng Democratic Party of the Philippines, Francis Leo Marcos, Rafael Cabrera, Pepito Salangsang, Alma Abella, Cosme Soriano, Manuel Espinosa,  at ang dating sikat na singer na si Victor Wood.

Pinakahuling naghain ng COC si Manuel Po, na pinakahuli rin umanong naghain ng COC noong 2010 polls.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply