Framework agreement- PNoy at MILF

HAYAN, pirmado na ang  una na hakbang sa usapin pang-kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng “nagtampo” na grupo ng Moro Islamic Li-beration Front (MILF).

Nagtampo sila noon bilang mga kasapi pa ng Moro National Liberation Front (MNLF) ni Prof. cum chair Nur Misuari kaya humiwalay at nagtayo ng sariling grupo sa pangunguna ni Hashim Salamat. Ngayon, sila ang nakipagkasundo, kumalas naman si Commander Umbra Kato na itinatag naman ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Hay naku.

MAHIGIT 4 na dekada ang gulo sa Mindanao. Pansamantalang natigil ang rebelyon noong pumirma sina dating Pangulong Fidel V Ramos at MNLF chair Nur Misuari pero makaraan lang ang isang taon, putukan uli na pinangunahan ng MILF para mapansin din ang kanilang puwersa.

Mas gumulo nang magwala ang ASG o ang bandidong Abu Sayyaf Group na ang gawain ay mangidnap at mangotong.

SANA nga ay may patutunguhan ang kasunduang pinasok ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III. Sino ba ang ayaw ng kapayapaan, aber?

Pero maraming dapat salain sa usapin. Isa riyan ang probisyon na 70% ang kabig ng MILF sa anomang yaman ng kalikasan o kikitain sa bawat kalakalan sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region (kung ipapasa ito sa plebisito ha).

Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) pa din ang opisyal na kinatawan sa awtonomiyang rehiyon.

MUKHA yatang pagsuko ang ginawang ito ng gobyernong Aquino?

Pilipinas ito. May punong pamahalaan tayo na siya ang dapat mas higit na makinabang sa anomang kita para makalikom ng pondo para sa iba’t ibang serbisyo sa bayan at mamamayan. Palugi ang kasunduan na 70% sa MILF at 30% lang sa gobyerno.

Kung ganyan ang hatian, paano gagamitin ang 70% ng MILF o Bangsamoro? Bakit ganoon?

ISA pa ang usapin pangkapayapaan. Sinabi ng MILF na mayroon silang puwersang armado na hindi bababa sa 15 libo. Papaano ngayon sila? Isusuko ba nila ang mga armas?

Magtatayo sila ng sariling puwersa ng pulisya at sandatahang lakas? Pa-payag ba ang rehimeng Aquino sa ganitong kasunduan?

O nagkasundo na nga sila. Bagaman humirit si DILG Secretary Mar Roxas na hindi maaari na magtayo ng sariling puwersang military at pulisya ang MILF, pakikinggan ba naman siya ni PNOY na kakaiba ang utak, ugali at pamamalakad sa ating pamahalaan?

Sabi nga ng tagaloob ng Malakanyang, pag gusto ni Noynoy, yun lang, wala ng iba pang puwede na makialam o sumuway. Paano ang mga sundalo’t pulis natin?

MAGPAPAILALIM ba ang bagong estado ng MILF na iwagayway ang ating bandila o gagawa sila ng sarili? Maghahari at igagalang ba ang buong Saligang Batas natin o iibahin nila batay sa sariling panlasa?

Kailangan na malinaw ang lahat ng ito dahil kung lahat ay 70% ang pabor na sistema sa bagong Bangsamoro, aba, teka, delikado yan.

Ibig lang sabihin ay hindi kasunduan ang magaganap kundi pagsuko sa soberenya sa loob ng sarili natin na bansa. Kailangan na linawin ito ni PNOY at ng kanyang mga “tagapamayapa”!

PERO sabi nga natin, umaasa tayo na plantsado sa tamang daan ang nilagdaang kasunduan. Umaasa tayo na hindi magiging pabaya ang gobyernong ito na maghari ang “kasakiman” sa usapin ng pamamahala.

Umaasa tayo na magiging pantay ang ugnayan at relasyon ng Bangsamoro sa lahat ng uring Filipino, mga katutubo, sa bawat sektor at mawawala ang usapin ng rehiyonal na pagkilala sa lahat kundi TAYO – BILANG IISANG LAHI…FILIPINO!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply