Gas station owner, sekretarya dinukot sa N. Cotabato

DINUKOT ng mga armadong kalalakihan ang may-ari ng isang gasolinahan at sekretarya nito sa Libungan, North Cotabato kagabi, (Oktubre 2).

Sinabi ni Chief Inspector Bernard Tayong, hepe ng Libungan PNP, na ang mga dinukot ay sina Annie Datuwata, 70-anyos, may-ari ng Petron gasoline station, at ang kanyang hindi nakikilalang sekretarya, na kapwa residente ng Poblacion, Libungan.

May sampu aniyang suspek na karamihan ay armado ng matataas na klaseng armas ang tumangay sa mag-amo dakong alas-6:20 ng gabi sa mismong gas station at saka isinakay sa dalawang sasakyan.

Pinaputukan naman ng mga suspek ang security escort ni Datuwata, na isang miyembro ng Philippine Army, nang tangkain nitong saklolohan ang kanyang amo. Sa kabutihang palad, hindi ito tinamaan.

Ilang oras naman ang nakalipas, narekober ng pulisya sa ikinasang follow up-operation ang sunog na get away vehicle ng mga suspek sa Barangay Upper Labas, sa nasabi ring bayan.

Ayon pa sa ulat, matapos sunugin ang kanilang sasakyan ay isinakay ng mga suspek ang mga bihag sa isang pump boat, at tumakas patungo sa marsh area sa Maguindanao province.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Tayong na hindi pa niya makumpirma kung ang nasabing insidente ay kaso ng kidnap-for-ransom.

Pinulong naman kaninang umaga (Oktubre 3) ni Libungan Mayor Manuel dela Cerna ang Municipal Peace and Order Council para pag-usapan at pag-aralan ang pinakabagong abduction case.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply