Ginaya ang kanta nang walang paalam, itinaas pa ang tono

KAYA pala hanggang ngayon ay nagngingitngit pa rin sa galit ang kilalang singer sa kanyang kamag-anak na kumanta ng kanyang sariling mga awitin ay dahil maliban sa hindi na ito nagpaalam, itinaas pa ang tono ng mga ito, tuloy naikumpara ang mababang boses ng una sa biriterang singer. Nagmukhang amateur ang beteranang singer sa hindi pa naman gaanong sikat na mang-aawit.

Pati mga kamag-anak ng sikat na singer ay pinagtsitsismisan siya. Sayang daw ang mahabang panahon na pinaghirapan nito para maabot ang pedestal na kinatatayuan nito ngayon. Nang dahil lamang sa panggagaya ng kanyang kadugo ay nawala ang paghanga ng angkan nila sa kanya.

Kayang-kaya pala siyang ilampaso sa kantahan ng bata-bata pang singer.

Mabuti na lamang at hindi na gaanong active sa recording ang huli kaya napahinga ang pagkumpara sa kanilang dalawang magpinsan.

Pero balitang hindi raw talaga mapapatawad ng nakatatandang singer ang kanyang cousin. Ni hindi nga niya kinikilala ito. Sa isang pagtitipon nga raw ng kanilang angkan ay buong ningning na tinanong ng original singer ang manggagayang pinsan nang, “Who is she?” at talagang nakabusangot ang mukha nito habang tinuturo ang kinaiinisang tao.

***

Thai superstar Mario Maurer, bibista sa Pinas sa Lunes

MATAPOS magpasaya kamakailan ng libo-libong fans sa Singapore, sa Pilipinas naman dadayo ngayong Lunes (October 29) ang Thai heartthrob na si Mario Maurer bilang bahagi ng grand promo ng first Filipino-Thai film ng Star Cinema na “Suddenly It’s Magic.”

Kasama ang kanyang leading lady na si Erich Gonzales, nakatakdang bumisita simula sa Lunes si Mario sa iba’t ibang shows ng ABS-CBN at dadalo rin sa pinakapinananabikang grand premiere night sa Martes (October 30) sa SM Megamall.

Ang “Suddenly It’s Magic” ay mapanonood na sa mga sinehan nationwide sa Miyerkules (October 31). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa nasabing pelikula mag-log on lamang sa www.StarCinema.com.ph, http://facebook.com/StarCinema at http://twitter.com/StarCinema.

***

Vilmanians may malaking event

NAGHAHANDA na ang pamunuan ng Vilma Santos Solid International, Inc. (VSSII) sa pamumuno ng kanilang presidenteng si Jojo Lim para sa isang malaking event na gagawin nila sa darating na November bilang bahagi ng selebrasyon at pagbibigay pugay sa Star for All Seasons’ Vilma Santos sa ika-50th showbiz anniversary nito.

Nagawa na rin ang mga damit na may kulay dilaw at itim na isusuot ng Vilmanians para sa anibersaryo. Puwede kayong umorder kina Al Valencia, Eric Nadurata at kay Jojo. Abangan ang iba pang mga detalye sa event na ‘to.

***

Para sa inyong opinyon at reaksyon, magtext sa  09074582883/09351851227 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoo.com at maari rin kaming mapakinggan sa Star na Star sa DWIZ 882 khz, 2-3 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.        

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply