Grace Poe, di lalahok sa rali ng UNA

INIHAYAG ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chairman Grace Poe Lamanzares na hindi siya lalahok sa anumang gagawing political rally ng United Nationalists Alliance (UNA) kahit guest candidate siya dito.

Sa panayam matapos ang proklamasyon sa senatorial slate ng Liberal Party-Nacionalista Party-Nationalist Peoples’ Coalition (LP-NP-NPC) sa Club Filipino nitong Lunes, sinabi ni Lamanzares na mananatili siya sa koalisyon.

“Of course, I will stay here,” ayon kay Lamanzares.

Ayon kay Lamanzares, anak ni National Artist Fernando Poe Jr., na humingi na siya ng permiso sa kanyang ninong, si dating Pangulong Joseph Estrada na mananatili at mangangampanya siya sa partido ng administrasyon.

“Bago pa naman nangyari ito,nagpaalam na ako sa Ninong ko, kay Presidente Erap. So, Naintindihan naman nila ang sitwasyon ko dahil ang presidente (Aquino) naman ang nag-appoint sa akin sa MTRCB, so administration candidate ako,’ paliwanag niya.

Sinabi pa ni Lamanzares na hindi siya tumakbo sa ilalim ng LP sa anumang kadahilanan o dahil sa partido pulitikal, ngunit mananatili siya sa koalisyon dahil naniniwala siya sa adbokasiya at plataporma nito.

“Pero, hindi naman ako nandito dahil sa anumang pampulitikang pulitikal, nandito ako kasi nagtitiwala ako sa partido,” dagdag niya.

Kasama ni Lamanzares sa senatorial slate ng LP led coalition sina Sen. Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Loren Legarda, Koko Pimentel at Antonio Trillanes IV kabilang sina Aurora Rep. Sonny Angara, Las Piñas Rep. Cynthia Villar, Akbayan Partylist Rep. Riza Hontiveros, Bam Aquino, dating Senador Jun Magsaysay at Jamby Madriga.

Hindi naman napabilang sa slate sina Quezon Rep. Erin Tañada na nagkusang umatras sa laban, TESDA Director-General Joel Villanueva at Customs Commissioner Ruffy Biazon.

Sinabi sa talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III na minabuti ng tatlo na manatili sa kasalukuyan nitong puwesto upang makatulong sa pagsusulong ng tuwid na daan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply