Grupo, maglulunsad ng lugaw protest kasabay ng World Food Day

TRABAHO, makabuluhang dagdag-sahod at tunay na reporma sa lupa ang solusyon sa lumalalang kagutuman sa bansa.”

Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) hinggil sa lumalaking datos ng kagutuman sa bansa kasabay ng selebrasyon ng World Food Day.

Maglulunsad ang grupo ng isang feeding program para sa mga kabataan sa Dona Nicasia, Barangay Commonwealth, Quezon City. Tinawag ng grupo ang kanilang aktibidad na isang ‘Lugaw Protest’ para manawagan sa administrasyong Aquino na aksyunan ang lumalalang kahirapan at kagutuman sa bansa.

Sa huling serbey noong Setyembre na inilabas ng Social Weather Station, 21% ang itinaas ng bilang ng nagugutom sa bansa o aabot sa 4.3 milyong Pilipino sa huling tatlong buwan.

Ayon kay Normelito Rubis, lider ng Samahan ng Nagkakaisa sa Plastikan (SNP)-Kadamay, hindi umano totoo na bumubuti ang ekonomiya ng bansa gaya ng nais ipakita ng administrasyong Aquino.

“Maaring lumalaki ang kita ng mga kapitalista pero kaming mga maralita ay patuloy na nagtitiis sa kawalang trabaho at kakarampot na kinikita sa pang-araw-araw. Ang totoo, higit pang naghihirap ang kalakhan sa mga Pilipino dahil sa nagtataasang presyo ng pangunahing bilihin, at iba pang gastusin,” ani Rubis.

Malawak na kawalang trabaho

Ayon pa sa lider, ang kawalan ng trabaho ng milyun-milyong Pilipino ang nagsasadlak sa kanila na kumain ng isa hanggang dalawang beses lamang sa isang araw.

Nabubuhay ang mga maralita sa komunidad ng Plastikan mula sa kinikita sa paglilinis ng mga plastik at pagbebenta ng mga ito sa mga recycling factories. P2.50 kada kilo ang bentahan ng malilinis na plastik sa mga negosyante.

P160 lamang ang kinikita ng isang tagalinis ng plastik sa isang araw, ani Rubis, kaya umano hirap silang matugunan ang mga mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya kabilang na ang pagkain.

“Sa dalawang taon ni Aquino, hindi namin naramdaman na bumuti ang aming kalagayan. Liban sa kawalan ng regular na pagkakakitaan at maliit na sahod, pinapalayas pa kami sa aming mga tahanan na naglalayo sa amin sa pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan,” dagdag ng lider-maralita.

Pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa

Ang panawagan ng Kadamay kay Aquino: “Lumikha ng isang makabayang lokal na industriya na hindi kontrolado ng mga dayuhang negosyante para pagmulan ng laksang trabaho para sa milyun-milyong maralitang walang trabaho.”

Ani Gloria Arellano, Kadamay national secretary-general, “Tuta umano si Aquino ng mga dayuhang kapitalista kaya’t hindi nito maipatupad ang kanilang matagal ng panawagan na P125 dagdag-sahod sa mga manggagawa na matagal ng nakabinbin sa Kongreso”

Kailangan din umano ang agarang pagpapatupad ng isang tunay na reporma sa lupa kapalit ng hungkag na CARPER para mabigyang oportunidad ang mga maralitang magsasaka sa kanayunan na bumubuo sa 75% ng sambayanang Pilipino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply