Grupo sa Aquino gov’t: Isabansa ang linya ng tren

KINONDENA ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang napabalitang plano ng kompanyang Sumito Corporation na siyang nasa likod ng Metro Rail Transit Corp. (MRTC) na itigil ang serbisyo ng MRT3 sa mga kalahating milyong commuters ng nasabing linya ng transportasyon.

Ayon sa grupo, wala sanang karapatan ang nasabing kumpanya para pagbantaan ang mga commuters kung sa simula’t sapul ay hindi na sila binigyang papel ng gubyerno sa pagtatayo at pagpapatakbo ng nasabing linya ng tren.

Naglabas ng pagababanta ang Sumitomo Corporation matapos matalo umano ito sa bidding para sa maintenance ng MRT3.

Muling pagtaas ng singil ng MRT3

Nagpahahayag din ng pangamba ang Kadamay na baka gamitin ng gubyerno ang banta ng nasabing kumpanya para bigyang katwiran ang muling pagtataas sa singil ng serbisyo ng MRT3.

Ayon kay Gloria Arellano, national secretary-general ng Kadamay, ang bantang inilabas ng Sumitomo Corporation ay epekto ng pribatisasyon sa nasabing linya ng transportasyon alinsunod sa mga neoliberal na patakaran ng globalisasyon.

“Milyun-milyong dolyar kada taon ang kinikita ng mga dayuhang kompanya mula sa mga ordinaryong Pilipino dahil sa naging pribatisasyon ng mga batayang serbisyo para sa mamamayan, tulad ng kuryente, tubig at transportasyon,” ani Arellano.

Hinamon ng grupo ang papasok na kalihim ng DOTC na si Sec. Jun Abaya na imbestagahan ang kontrata na pinasok ng gubyerno kasama ang mga negosyanteng nagpapatakbo sa industriya ng transportasyon, kung saan nakasaad ang tiyak na halaga ng kita para sa mga dayuhang kompanya.

Tiyak na kita

Ayon pa sa grupo, liban umano sa paggarantiya ng gubyerno sa utang ng MRTC sa Sumimoto Bank, na nagkakahalaga ng $462.5 milyon noong 1998, tinitiyak din ng kontrata sa pagtatayo at pagpapatakbo ng MRT3 na magkakaroon ang MRTC ng 15% return of investment (ROI) kada taon.

“Kung maisasabansa ng gubyerno ang mga batayang industriya sa bansa na ngayon ay kontrolado at pinagkakakitaan pa ng mga dayuhang kompanya, malaki ang magiging epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng ordinaryong Pilipino na maya’t mayang hinagupit ng mataas ng singil ng serbisyo at bilihin,” pahayag ng lider.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply