Gutom sa ‘araw ng pagkain’

NITONG nakaraang Oktubre 16 ay ipinagdiwang sa buong mundo bilang World Food Day.  Araw ng pagkain. Parang hindi lahat nakapansin sa okasyon na ito dahil na rin naman sa dami ng isyu nitong mga nakaraang araw na mas napagtuunan ng pansin.

Mahalaga ang pagdiriwang na ito dahil ang pangunahing layunin ay mabigyang pansin ang problema ng kahirapan na dahilan ng gutom.  Ang nakapagtataka, ayon na rin sa bantog na ekonomista na si Benjamin Diokno, tumaas ng 6.1% ang antas ng ekonomiya sa bansa habang tumaas din ang antas ng kawalan ng trabaho at gutom. Paanong nangyari yun?

Simple. Kahit kasi umaangat ang kabuhayan ng isang bansa, kung hindi naman bumababa sa taumbayan ang resulta ng pag-angat na ‘yun at hindi naman direktang napabubuti ang araw-araw na buhay, wala ring kwenta.  Sa araw na ito, sa pagdiriwang ng World Food Day, sana ay matutukan dito sa Pilipinas ang usapin tungkol sa gutom at kung paano ito masosolusyunan.

Hagulgol

Ang sabi ni Senator Ralph Recto, kaya raw siya nagbitiw ay dahil pagod na siya na maging Chairman ng makapangyarihang Committee on Ways and Means sa Senado at matagal na raw niyang hawak ito kaya iba naman. Pero marami ang hindi kumbinsido.

Hindi raw nagpapakatotoo si Ralph Recto, nag-resign siya dahil hindi niya na- kaya ang gusto niyang mangyari sa kanyang bersiyon ng “sin tax” bill.

Minsan narinig ko sa isang radio show na kinakausap ng DJ ang isang umiiyak na caller.

Hiniwalayan daw kasi ng kanyang nobya ang caller at sumama sa kanyang bestfriend.

Humahagulgol ang caller na ‘di halos makapagsalita. Pinilit siya ng DJ na magpaabot ng mensahe sa kanyang dating nobya at bestfriend at ang kanyang mensahe – sana masaya kayong dalawa.  Naisip ko kung nagpapakatotoo ba ang caller na yun. Totoo kaya sa kanyang galit na puso na gusto niyang  sumaya  ang  kasintahang nagtaksil sa kanya?

Sa panig ni Ralph Recto, pagod na nga kaya talaga ang Senador? Maalaalang pinahirapan noon ng batikos si Senator Recto dahil sa kanyang E-vat law pero marami ang nagsasabi ngayon na nakatulong sa ekonomiya ng bansa ang EVAT. Bakit kaya hindi masabi ni Ralph Recto na nasasaktan na naman siya sa batikos at mas ginusto niyang magbitiw na para hindi na siya masyadong mabugbog ng bayan. Kung may malinis na paniniwala si Recto sa kanyang mga argumento tungkol sa “sin tax” bakit hindi niya pwedeng sabihin na – palagay ko ay makabubuti sa bayan ang panukala ko pero dahil hindi ma-appreciate ng bayan ay magre-resign na lang ako.

Gaya ng lalaking “caller”, kapani-paniwala ba na sa pagtataksil sa kanya ng minamahal ay maghahayag pa sya ng damdamin sa pamamagitan ng radyo para sabihin na sana ay maging maligaya ang dating kasintahan sa pagsama sa kanyang kaibigan? Sadyang nakakapagtaka ang mga pahayag ng isang pusong nasasaktan. Email me at ariel.inton@gmail.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply