Hakot system sa registration binalaan

NAGBABALA si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. sa mga pulitikong maghahakot ng tao para makahabol sa registration.

Ayon kay Brillantes, nakaugalian na ng mga pulitiko na umupa ng mga sasakyan at dalhin ang mga residente sa Comelec para magparehistro at ganito rin ang ginagawa ng mga ito kahit pa sa mismong araw ng eleksiyon.

“Hakot lahat ‘yan,”  komento ni Brillantes, nang makita ang may 600 katao na nakapila sa voter’s registration site sa Quezon City Hall nitong Biyernes, na araw ng holiday.

Nagbabala pa si Brillantes sa mga pulitiko na huwag na nila itong gawin ulit sa darating na halalan.

Nag-ikot kamakailan si Brillantes sa mga tanggapan ng Comelec upang alamin ang sitwasyon sa nagpapatuloy na voters’ registration sa bansa.

Nabatid na kabilang sa mga lugar na pinuntahan ni Brillantes ay ang mga tanggapan ng Comelec sa Quezon City, Makati at Arroceros sa Maynila kung saan napansin nito ang mahabang pila ng mga residente na nagpaparehistro.

“Warning lang po sa mga pulitiko. Huwag naman natin gawin uli ito. Kami naman, nagkakaintindihan na gawain natin ito noon eh. Huwag naman nila gawin sa kin,”  ani Brillantes.

Matatandaang si Brillantes ay may 20 taong naging election lawyer bago naupong chairman ng Comelec kaya’t alam na niya ang gawain ng mga pulitiko.  “Alam kong gawain ‘yun ng mga politiko sa 20 taon ko as election lawyer,” aniya pa.

Iginiit pa niya na ang hindi niya gusto sa ‘hakot system’ ay yaong marami sa mga ito ang hindi naman lehitimong botante dahil nakapagpapagulo lang ito sa proseso.

Ang registration period para sa halalan sa taong 2013 ay nakatakda nang magtapos sa Oktubre 31 at binigyang-diin ng poll chief na walang ekstensiyon para dito.

Nabatid na isang linggo bago tuluyang magtapos ang panahon ng pagpaparehistro ay umaabot na umano sa mahigit 48 milyong katao ang nagpatala.

Inaasahan naman ni Brillantes na madaragdagan pa ang mga magpapatala at aabot ng mula 49 milyon hanggang 50 milyon.

Samantala, pinayuhan naman ni Brillantes ang publiko na sakaling nababagalan sa serbisyo sa mga registration center ay huwag namang mainis sa mga election officers.

Ayon kay Brillantes, dalawang taon nilang hinintay ang mga botante para magparehistro o magpa-activate ng kanilang rehistrasyon.

Aniya, kung sa tagal ng panahon na inilaan nila para sa pagpaparehistro ay hindi pa rin makapagpatala ang isang botante ay dapat nitong sisihin ang kaniyang sarili.

“Kapag hindi kayo nakapag-register, siguro kasalanan niyo. At siguro kasalanan rin namin. Kasi siguro hindi namin napaintindi sa inyo na hindi kami mag-e-extend,” aniya. “Paumanhin po sa taumbayan na hindi makakarehistro. Magsisihan na lang tayo pareho.”

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply