Holiday mugs, glasses, may nakalalasong lead

PINAG-IINGAT ng ecological group na EcoWaste Coalition ang mga early Christmas shoppers laban sa ilang holiday items na umano’y nagtataglay ng lead, kabilang na ang ilang Christmas mugs at mga baso, na popular na pang-regalo dahil mura ang mga ito.

Partikular na tinukoy ng grupo ang mga naggagandahang holiday-themed mugs at mga baso, na nabibili sa mga bargain stores.

Ayon kay Aileen Lucero ng Project Protect ng EcoWaste, nabigla sila dahil napakataas ng antas ng lead sa mga naggagandahang mugs at mga baso, na direkta pa aniyang lalapit sa mga bibig ng pagbibigyan nito, kabilang na ang mga bata.

Sinabi ni Lucero na ang lead ay ‘highly-toxic’ at nagbi-build up sa loob ng katawan kaya’t mahigpit ang paalala ng mga health specialist na iwasang malantad sa lead.

Nabatid na may 12 glass tumblers at 23 ceramic mugs ang na-screen ng grupo mula sa heavy metals gamit ang portable X-Ray Fluorescence (XRF) spectrometer.

Ang naturang 35 sample ay nabili mula Oktubre 14 hanggang 16 sa mga bargain stores sa Mandaluyong, Manila at Quezon City sa halagang P20 hanggang P99.

Lahat ng basong sinuri ay mayroong lead na mula 14,700 hanggang 56,600 parts per million (ppm), gayung ang itinatakda lamang ng Estados Unidos ang limit na 90 ppm bilang benchmark sa lead sa mga pintura.

Sa 23 mugs naman ay 18 ang natuklasang may lead na mula 106 hanggang 20,900 ppm at may average lead content na 12,025 ppm.

Kahit naman umano walang lead ang limang iba pang mugs ay nakitaan naman ito ng mataas na antas ng ibang mapanganib na kemikal tulad ng cadmium at chromium.

Batay naman sa impormasyong mula sa US Environmental Protection Agency, ang exposure sa lead ay maaaring magresulta sa learning disabilities tulad ng attention deficit disorder, decreased intelligence, speech, language at behavior problems, poor muscle coordination, constipation, sleeping disorders, high blood pressure, muscle at joint pain, birth defects, at nakapipinsala rin sa nervous system at kidneys.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Lucero ang publiko na tiyaking ligtas ang dinnerware na bibilhin ng mga ito at may kaukulang marka na nagpapakita kung ginamitan ang mga ito lead-based glaze o pintura.

“Consumers have the right to know what’s on their glasses, mugs and plates. There should be warning labels on items with lead,” aniya pa.

Mas makabubuti aniya kung iiwasan na lamang ang pagbili ng mga items na maraming dekorasyon ngunit wala namang katiyakan na ligtas ito mula sa lead.

Tiyakin ring ang gagamiting mga dinnerwares, particular na ang para sa mainit na pagkain at inumin, ay ligtas mula sa mga mapanganib na kemikal.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply