Honest taxi driver at kotong cops/enforcers

NABAWI na ni Denver Cuello ang kanyang P2 milyon championship belt sa boksing.

Pero higit nating bigyan ng pansin ang hindi paglimot ng isang taxi driver sa aral sa elementarya na “honesty is the best policy.”

Ang taxi driver na si Pepito Sumalinog na sinakyan ni Cuello, mga Bro, ang nagsauli ng belt.

Mabuti na lang at hindi ibang pasahero ang nakakuha ng belt na nakalagay sa bag.

At dahil honest, hindi lang ‘di pinag-interesan kundi isinauli ni Sumalinog ang belt.

WALANG TANDA

Walang anomang tanda ng taksi ang naalaala ni Cuello noong bumaba siya mula sa taxi ni Sumalinog.

Hindi niya natandaan ang mukha ng driver, hindi niya naplakahan ang sasakyan at sapat nang nanawagan si Cuello na sana isauli ng kung sinomang nakapulot ng belt.

Hindi nga nagtagal, sumulpot na si Sumalinog sa isang media station para isauli kay Cuello ang belt.

HINDI PINAKILO

Hindi alam ni Sumalinog na P2M ang halaga ng belt kahit mahigit dalawang araw ring laman ito ng mga balita sa diaryo, radyo at telebisyon, kasama ang sa internet.

Hindi man alam ni Sumalinog, may mamahaling bato, gaya ng ginto, na nakapasak sa belt.

At kung alam man niya, hindi niya naisipang baklasin ang mga ginto at ang iba pang bakal na pinaliguan ng ginto saka pinakilo.

Ang tanging ginawa niya, makaraang bumaba si Cuello bilang kanyang pasahero, eh, bumiyahe siya at malayo na siya nang mapansin niya ang bag na naiwan.

At itinago niya iyon at iningatan.

Ngunit hindi na siya nagpalipas pa ng mga araw para dalhin ang belt sa kamay na tunay na may-ari nito.

PEPITO SUMALINOG

Tatandaan natin lahat, mga Bro, ang pangalang Pepito Sumalinog.

Kung lahat sana tayo ay ganito, natitiyak ko na maraming problema ang malulutas.

Kabilang sa mga problema na malulutas ang pagkakaroon ng sakit.

Gaya ni idol Pepito Sumalinog, naiwasan niya ang pagkakaroon ng sakit sa puso sa pagiging honest na driver.

Naiwasan niya ang pagkakaroon ng dala-dala sa pagitan sa kanyang konsensiya.

Naiwasan din niya ang pagturing ng batas sa kanya bilang isang magnanakaw.

Sapagkat ang sinomang umangkin ng isang nawawalang bagay ay itinuturing ng batas na magnanakaw.

Malaking bagay na sa atin ang maging malusog sa araw-araw nating pamumuhay.

At napakalaking bagay sa atin ang hindi nakawin ang mga pag-aari ng iba.

Pag-aaring pinagpustahan nila ng buhay, pinagpatuluan nila ng pawis ng maraming oras, pinagpuyatan nila nang todo at iba pa.

KOTONG COPS/ENFORCERS

Matanong nga pala natin itong si Pepito: Gaano na ba siya katagal sa pagmamaneho?

Mahalagang tanong ito kung iuugnay natin ang ginawa niya sa gawain ng mga iskalawag sa kapulisan at traffic enforcer.

At marami ang iskalawag sa totoo lang.

Itong si Pepito ay nagsasauli ng kanyang napupulot sa lansangan.

Tanong ko sa inyo: may narinig na ba kayong pulis o traffic enforcer na nagsauli ng kanilang napulot sa lansangan?

Halagang P2M ang belt na napulot ni Pepito mula kay Cuello ngunit isinauli niya iyon.

Itong mga parak at enforcer na pumupulot ng P2-P5 hanggang P20 sa mga jeepney driver, nagsasauli ba sila?

Eh yung mga pulis at enforcer na nanghuhuli kunyari ng out of line na nasa P6,000 ang multa at iba pang mga traffic violation kuno, may nakokonsensiya ba sa kanila?

Itong si Pepito ay hindi hinayaang singilin siya ng kanyang konsensiya sa huling araw.

GOD BLESS PEPITO

Ang masasabi natin para kay Pepito Sumalinog ay para sa kanya ang ating taimtim na panalangin na ipagpatuloy niya ang kanyang magandang ugali at pakikipagkapwa.

At kung naniniwala si Pepito sa Diyos, sa kanya rin ang panalangin natin.

Kahit hindi tayo gaanong marunong magdasal ng katulad ng ginagawa ng iba.

Hehehe!

Sirit na, my Lord.

MABAHONG BABUYAN

Magandang araw po sa inyo, Sir Benny. Dito po sa amin sa Brgy. Sua, Camaligan, Camarines Sur,  paggising mo sa umaga, masangsang na amoy ng babuyan ang malalanghap mo.

Wala man lang magawang aksyon ang mga kinauukulan.

Halos 20 bahay lang kasi ang nakatayo rito sa lugar namin.

Sana linisin naman nila ang mga babuyan o kulungan.

Maliit lang ang area rito para sa dalawang babuyan. Rosa Villamor ang isang may-ari at Nieves Villareal naman ang isa.

Sana po magawan ito ng aksyon ng aming kapitana rito sa aming barangay. Maraming salamat po, Diyos ang magbantay sa indo gabos. – 0946879….

PERA-PERA SA LTFRB-R3

Gud am, Sir Benny, sana po alamin din ninyo ang nangyayaring katiwalian sa LTFRB R3. Sobra na po ang ibang tauhan ni Director P. Bruno.

Basta may pera, inaasikaso nila agad at ayos ang deal. Pera-pera ang tumatakbo rito. Kawawa ka ‘pag wala kang pang-deal sa nilalakad mo at saka meron daw po silang kakutsaba sa DOTC para sa rmc. Sana po maimbestigahan ninyo at mailathala ninyo ito sa inyong column.

Maraming salamat po. Huwag po ninyong ilagay cp no. ko. – 0932212….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply