Imahen ni Calungsod bibiyaheng pasahero, ‘di bagahe patungo sa Vatican

INIANUNSIYO ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na bibiyahe bilang ‘pasahero’ at hindi bilang bagahe ang estatwa ni Blessed Pedro Calungsod para sa kaniyang kanonisasyon na nakatakda sa Oktubre 21 sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City.

Ayon kay CBCP President at Cebu Archbishop Jose Palma, si Calungsod ay sasamahan ni Fr. Charles Jayme sa kaniyang biyahe mula sa Cebu City patungo sa Roma.

Nabatid na nag-alok ang airline company na Cathay Pacific na ibiyahe patungong Vatican ang imahen bilang isang pasahero at hindi isang ordinaryong bagahe lamang.

“The image will be among the passengers and not as cargo. We’ll be seated together,” ani Jayme na siyang magiging official custodian ng imahen, na may taas na tatlong talampakan.

Labis naman ang pasalamat ni Jayme sa pagkakataong ibinigay sa kaniya dahil ito, aniya, ay isang biyaya at regalo mula sa Panginoon.

“I really take it as a blessing and gift from God being chosen for this. This is a humbling experience for me,” ani Jayme.  “I did not expect this so it challenges me more to live up to the virtues of Blessed Pedro Calungsod.”

Nabatid na ilalagay umano ang imahen sa isang encasement na yari sa Styrofoam upang hindi ito magalusan man lamang.

Kaugnay nito, inianunsiyo ng Simbahang Katoliko na plantsado na ang mga aktibidad nila para sa canonization o ang seremonya para kilalaning isang ganap na santo ang Pilipinong si Calungsod.

Ayon kay Father Marvin Mejia, isa sa mga miyembro ng secretariat para sa canonization ni Calungsod, nakalatag na ang lahat ng aktibidad ngayong Oktubre at maging sa Nobyembre.

Si Calungsod na ang ikalawang Pilipinong santo kasunod ni San Lorenzo Ruiz de Manila.

Nabatid na ang ipinagkaiba lamang nila ay mas bata ang imahen ni Calungsod na nasa 17-18 anyos at mas Pinoy ang mukha.

Isa pa sa pagiging iba ni Calungsod sa lahat ng imahen ng santo ay ang pagkakatayo nito kung saan ang kanang paa ay nakahakbang paharap.

Ayon kay Mejia, simbolo ito ng pagiging aktibo nito sa mga gawain ng simbahan.

Matapos ang canonization ay ibabalik sa Pilipinas ang imahen ni Calungsod mula Vatican at iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula Oktubre hanggang katapusan ng Nobyembre.

Inaprubahan ang kanonisasyon ni Calungsod matapos na mapagaling nito ang isang ginang na may matinding karamdaman, ilang oras lamang matapos na manalangin sa kaniya.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply