Internet at Facebook ng OFW

KUNG mayroon mang bonus na ngayon ang ating mga OFW, ito ay ang pagkakaroon ng mas pinabilis na  access gamit ang internet upang makapag-sumbong at agad maipaalam sa kanilang mga kamag-anak ang kanilang mga kalagayan sa ibayong dagat.

Tapos na nga ang mga panahong halos isang buwan bago makarating ang sulat na padala ng ating OFW. At bago pa iyon maipasakamay at mabasa ng kaanak dito sa Pilipinas, marami na namang bagong nangyari sa ating kabayan kung kaya’t halos naghahabol ang magkabilang panig na makapag-balitaan.

May mga panahon ding nakuntento na lamang ang ating mga  kababayan sa pagpapadala ng kanilang mga boses sa pamamagitan ng voice recording.  Ngunit ngayon napakarami nang pamamaraan na makarating ang mga mensahe ng ating mga kababayan sa mas mabilis na pamamaraan tulad ng text, email, skype at social networking.

Nasambit tuloy ng mga OFW natin noon, napakapalad ninyo ngayon dahil nga sa napakalaking tulong ng makabagong teknolohiya.

Abusadong mga employer

NOONG Agosto 21, 2012, nakatanggap ng mensahe sa Facebook ang BANTAY OCW mula kina Rina at Rosilyn Geronimo, mga kapatid ng OFW sa Oman na si Rosie Geronimo. Minamaltrato ‘anya  si Rosie ng tatlo (3) nitong naging employer, tulad ng pagpalo sa likod, pag-plantsa sa kamay at halos hindi pinapakain.

Nang nasa ikatlong employer na si Rosie, nanghina ito hanggang sa bumagsak at tumama ang ulo sa matigas na bagay. Kasalukuyan siyang nasa prinsipal na ahensyang Al Shukielle sa Oman noon. Pakiusap at hiling ng mag-kapatid na makauwi na sana si Rosie.

Agad na kumilos ang Bantayo OCW at nakausap namin si Corazon Eusebio, ang General Manager ng lokal na ahensyang First Asian Career Solution Inc. (FACSI). Nangako itong makakauwi kaagad si Rosie habang hinihintay ang exit visa mula sa employer.

At ang magandang balita, noong Setyembre 11, 2012, dumating sa Pilipinas si Rosie lulan ng Etihad Airways. Masayang dumalaw ang magkapatid na Rosilyn at Rosie Geronimo upang magpasalamat sa Bantay OCW at kaagad namang sumaklolo ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) upang maipagamot ang ulo ni Rosie.

Matapos mabigyan ng payong legal ni Atty. Dante Mercado ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), nasa Bicol ngayon si Rosie upang magpahinga matapos ng masamang karanasan, nakaantabay naman ang Bantay OCW, sa anumang reklamo nito laban sa ahensyang First Asian Career Solution Inc.

Malupit si Madame    

MINAMALTRATO, sinasakal at binabato naman ni Madame si Judith Alde na nasa Dubai, UAE. Hindi pa ‘anya siya pinapakain at pinagbabawalan ding gumamit ng comfort room. Nagpadala ng text message sa Bantay OCW si Journey Candog, pinsan ni Judith. Mabilis namang nakipag-ugnayan kami kay Welfare Officer Mary Cyd Simangan ng Konsulado ng Pilipinas sa Dubai.

At ang magandang balita nakauwi na rin ng bansa si Judith lulan ng Jet Airways. Nagbalik ang mag-pinsan sa Radyo Inquirer 990 AM upang magpasalamat .

Wanted: Vilma Tagupa Bayana   

NAKITIRA na, nakikain at nambiktima pa. 3-in-1 si kabayan. Iyan ang modus operandi ng illegal recruiter na si Vilma Tagupa Bayana. Hindi rin sigurado ang pamilyang niloko niya kung ito nga ang tunay niyang pangalan.

Nakagawian na ni Natividad Tubbali  ng Quezon City sa kanilang bahay.  Nitong Abril 2012, tumuloy sa kanila ang dalawang (2) kaibigan mula sa Quezon Province at nagsama pa ng isa – ito ngang si Vilma na hindi naman nila kakilala.

Naingganyo ni Vilma si Natividad na magbayad ng P100, 000 para makapag-tour sa Malaysia, bukod pa sa ninakawan niya ito ng mga alahas at pera na may kabuuang halagang P300, 000.  Nang dumalaw ang anak nitong si Bernardine, inalok din ito ng trabaho bilang driver sa Malaysia. Naengganyo pa itong ibenta ang kaniyang sasakyan. Nagbigay siya kay Vilma ng P120, 000 bilang placement fee niya.

Gayundin ang nangyari sa kapatid ni Natividad, na si Perlita. Trabaho sa isang malaking hotel sa Malaysia ang pangako naman nito. Kaya nagsangla  siya ng bahay at ibinayad ang P125,000 para sa pagproseso umano ng kaniyang mga dokumento. Maging ang kaibigang si Cristina Olavario naloko din. Nagbayad ito ng P40, 000. Sa kabuuan, nakakuha ito ng halagang P685,000 mula sa pamilya Tubbali.

Kamakailan lamang, napag-alamang tumakas na patungong Malaysia si Vilma. Agad namang inalalayan ang apat (4) na biktima nina Atty. Dante Mercado at Judge Conrado Zumaraga mula sa Bantay OCW Foundation-Legal Assistance Unit at pinayuhan silang magsampa ng kasong Illegal Recruitment at Theft laban kay Vilma Tagupa Bayana.

Hinihintay din namin na makapag-isyu na ang korte ng Warrant of Arrest. Ipinagbigay alam na rin ng Bantay OCW sa Philippine Embassy ng Malaysia ang sumbong ng pamilya Tubbali upang hilingin na maipadeport ang naturang illegal recruiter.

Ayon naman sa CIDG, maaaring ipakansela nila ang pasaporte ni Vilma kahit saan pa ito magtungo at wala na siyang bansang matatakbuhan. Kapag nahuli, ipatatapon pabalik ng Pilipinas ang tinaguriang 3-in-1 illegal recruiter na si Vilma.

Reklamo laban sa Al-Ahram

AKO po ay isang OFW ng Riyadh, Saudi Arabia.  Gusto ko lang po ipaabot sa ating gobyerno kung bakit pinapayagang makaalis ang isang aplikante na ang sahod ay 600 riyal lang, napakababa po.  Ang agency po namin jan sa Manila ay Al Ahram sa may Ermita Salas St. Pinapirma po kami sa blank coupon bond, siguro may kasabwat po yan na mga tiwaling kawani ng gobyerno.  Ang kompanya po namin dito ay Zahran Company.

May dumating na naman ngayon na pinoy sana mabigyan nyo po ito ng atensyon.  +966….3867

Kabayan naisumbong na namin kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang reklamo mo. Makaaasa kang malalapatan ng parusa ang ahensiyang ito. Salamat po – Bantay OCW.

* * *

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am.

Mapapanood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International. BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply