Jarencio napapagod na

RAMDAM na ang pagod ng dating kamador ng University of Sto. Tomas Growling Tigers na si coach Pido Jarencio kaya posibleng huling taon na niya ang 75th season ng UAAP men’s basketball tournament.

Ika-pitong taon na ni Jarencio sa Tigers at sa kanyang rookie years noong 2006 ay napag-champion niya agad ang UST ng talunin nila ang Ateneo Blue Eagles na hawak na noon ni coach Norman Black.

Inamin ng 48-anyos na si Jarencio sa PSA forum na medyo pagod na rin ito at dahil matagal-tagal na rin silang hindi nagtsa-champion ay baka makuha nila ngayon upang magiging maganda ang kanyang pamamaalam sa nasabing eskwelahan.

Maghaharap ang Tigers at four-time defending champion Blue Eagles sa Finals na mag-uumpisa sa Sabado ang Game 1 sa Mall of Asia Arena.

Kagaya ni Jarencio ay huling season na rin ito ni Black dahil nakaatang sa dating PBA best import ang pagtawag ng plays sa Talk ‘N Text Tropang Texters.

Ayon kay Jarencio mas palaban ang Tigers kumpara noong magkampeon sila anim na taon ng nakararaan dahil mas preparado sila ngayon kaya naman tiwala siyang magiging maganda ang labanan sa kanilang best of three championship.

Naghahanda rin ng todo ang Ateneo dahil pakay nilang masungkit ang panglimang sunod na titulo at upang magiging maganda rin ang pag-iwan ni Black sa koponan.

Isa sa mga sasandalan ni Jarencio ay ang sentro nilang si Karim Abdul na ipangtatapat sa higanteng pambato ni Black na si Greg Slaughter.

Pihadong ibababad din ng dating Ginebra cager Jarencio ang mga shooter na sina Jeric Fortuna at Jeric Teng upang sabayan din ang mga panira ni Black na sina Keifer Ravena at Ryan Buenafe.

Samantala, bago sumampa sa championship showdown ang Tigers at Blue Eagles ay pinatalsik muna nila ang host National University, 63-57 at De La Salle U Green Archers, 66-63 sa semifinals ayon sa pagkakasunod.

Sa eliminations round ay 1-1 ang head-to-head match ng UST at Ateneo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply