Kapakanan ng iba bago ang pulitika

KAHIT pa mabangong-mabango na sa mga mamamayan at mediamen ang chief ng Bureau of Customs na si Commissioner Ruffy Biazon dahil sa kanyang mga nagawang pagbabago sa kanyang ahensiya na noon ay kilala sa pagiging pinaka-corrupt na ahensiya, patuloy pa rin ang ginagawa niyang paglilinis sa kanyang nasasakupan.

Isa na namang accomplishment ang nagawa ni Biazon at ng kanyang mga tauhan nang masabat ang P14 milyong halaga ng sibuyas mula sa China na malaki ang epekto at dahilan nang pagkalugi ng local na industriya ng sibuyas sa bansa.

Mahalaga kay Biazon ang kapakanan ng mga magsasaka kung kaya’t hindi ito pumayag na makalusot ang 40-footer container van na naka-consigned sa RSG Marketing and Adier Enterprise Trading na lumapag sa Manila International Container Port (MICP).

Bukod sa ekonomiya ng bansa ang naaayos ni Biazon sa kanyang magandang pamamalakad sa BoC, masuwerte rin ang mga magsasaka dahil hindi pabaya sa kanyang panunungkulan ang komisyuner at malaki ang pakialam nito sa kabuhayan ng mga taong nagpapatulo ng kanilang pawis upang may kainin ang mga Filipino.

Batid naman nating ang pangunahing kabuhayan ng mga magsasaka ang bigas, sibuyas, at iba pang klase ng gulay kung kaya’t hindi na dapat ito inaangkat pa sa ibang bansa.

Mas lalong hindi dapat na palusutin ito nang hindi tama ang buwis na binabayaran sa pamahalaan.

Dati kasi, sobrang talamak ang smuggling ng mga nasabing produkto at ito ang iniiyak sa gobyerno ng mga magsasaka na tila hindi seryosong pinagtutuunan ng pansin noon ng mga naging pinuno sa Customs.

Pero malaki na ang kaibahan ng BoC ngayon sa ilalim ng pamamalakad ni Biazon.

Hindi magtatagumpay sa kanyang pagmamatyag ang anomang tangkang pagpupuslit ng mga produkto lalo kung ang maaapektuhan nito ay ang sarili nating ekonomiya, partikular ang kita ng mga kababayan nating ang ikinabubuhay ay pagsasaka.

Kaya hindi nakapagtataka kung palaki nang palaki ang tiwala ng publiko sa ating pamahalaan sapagkat may katuwang itong ahensiya na gaya ng Bureau of Customs na seryosong ginagampanan ang kanyang trabaho para proteksiyonan ang mga lokal na negosyo at industriya sa bansa.

Bukod sa humahataw sa survey si Biazon at ang kanyang ahensiya, kontodo puri rin ang grupong Government Watch sa pamumuno ni Raul Concepcion sa naging desiyon ni Pangulong Noynoy Aquino na panatilihin si Biazon sa BOC bilang kaagapay nito sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Lubos na nagagalak si Concepcion kay Biazon dahil imbes na isulong umano ng dating mambabatas ang personal nitong adyenda sa pulitika, mas pinili pa umano ng Customs chief na magserbisyo sa bayan sa pamamagitan ng paglaban sa katiwalian at krimen na siyang layon ng “Tuwid Na Daan” program ni PNoy.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply