Kapayapaan at kaunlaran

ISANG napakalaking tagumpay para sa mga tagapagsulong ng tunay na kapayapaan ang kalilipas lamang na pirmahan ng peace framework agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF.

Ang makasaysayang hakbang na ito ay patunay na sa bandang huli ay kabutihan at katahimikan pa rin ang mamamayani para sa lahat ng umaasa para dito.

Para sa isang bansang binubuo ng 7,107 na isla ay hindi madali upang pag-isahin ang bawat mamamayan at panatilihin ang ganitong kalagayan.

Dulot nito ay masasabi nating napakalaking tagumpay talaga para sa bawat Pilipino ang naganap na pirmahan.

Lingid sa kaalaman ng ilan sa atin ay ang sundalo, higit sa lahat ng klase ng tao, ang siyang umaasa para sa tunay at patuloy na kapayapaan – ayaw nila ng gulo.

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit puspusan talaga ang pagsusumikap ng ating kasundaluhan upang makamit ang kapayapaan.

Bukod pa rito, lingid din sa ilan sa atin na ang kapayapaan at kaunlaran ay hindi maaaring paghiwalayin at hindi rin sila maaaring mag-unahan. Ibig sabihin kailangang sabay ang pagsulong nila upang makamit nang ganap at nang matagalan.

Parang ganito iyon – kailangan siyempre ng kapayapaan upang makamtan ang kaunlaran at kailangan din ang kaunlaran upang makamtan ang katahimikan.

Sa madaling salita, hindi makakamit o magtatagal ang isa pag wala ang isa pa.

Sa mga puntong ito papasok ang malaking papel at responsibilidad na gagampanan ng Hukbong Dagat.

Para kasi sa isang bansang pandagat, mabigat ang impluwensya ng karagatan sa kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa.

Makikita naman natin na sa karagatan nagkakaroon ng koneksyon ang ating mga kababayan sa isa’t isa at sa karagatan din kumukuha ng pangkabuhayan ang karamihan sa ating mga kababayan.

Ibig sabihin nito ay ang kapayapaan at kaunlaran sa ating karagatan ang isa sa pangunahing batayan ng pagkamit at pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa.

At sa tulong ng inyong Hukbong Dagat, kasama ang bawat isang Filipino, ay makakamit din natin ang matagal nang mithiing ito. Kaya natin yan Pinoy!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply