Katayan sa partylist at ang Comelec

HANGGANG buwan ng Oktubre-Disyembre umano malalaman ang pinal na katatayuan ng mga partylist sa sistema ng gobyerno natin.

Sa buwan ng Oktubre malalaman ang mga matitirang matibay sa panuntunan ng Commission on Elections.

Ang pagkakaalam natin, may anim na panuntunan ang Comelec para sa mga partylist para magkaroon ng accreditation.

At kung papasa sa anim na panuntunan ang isang partylist, pupuwede na siyang sumali sa halalang 2013.

Sa kasalukuyan, may mga disqualified na at may mga idi-disqualify pa.

Ano-anong mga partylist ang disqualified na at idi-disqualify pa?

Bahala na kayo, Suki, na magkalkal sa Comelec kung ano-ano ang mga ito.

Basta ang pagkakaalam natin, may 54 na available na upuan para sa mga partylist congressman sa kasalukuyan.

PRINSIPYO SA PARTYLIST

Sa pagkakaintindi natin, ginawang bahagi ng 1987 Constitution ang partylist para magkaroon ng representasyon ang mga mahihirap na sektor sa lipunan sa pambansang pamahalaan.

Pagbibigay ng boses sa mahihirap at maliliit na mamamayanan sa Kongreso, partikular sa Kamara, at kung ganun, sa pambansang pamahalaan ang nilalayon ng sistemang partylist.

Maliit man na porsyento, 20% sa Kamara ang pinapayagan ng Constitution, kahit papaano ay may boses na ang mga mahihirap at maliliit sa Kamara.

Diyan sila magkakaroon ng pagkakataon na magpanday ng mga batas pabor sa mga mahihirap at maliliit.

Hindi lang yan, may katumbas na pondo ang bawat batas na kanilang mapapanday na kapakinabangan ng mga mahihirap at maliliit.

MALALAKI AT MAYAYAMAN

Simula’t simula, ang mga malalaki at mayayaman lamang ang nakapapasok sa Kamara.

Habang nagtatagal ang panahon, nakikilala ang mga ito na sila ang mga panginoong maylupa, may malalaking negosyo na kasosyo ang mga dayuhan, anak at kamag-anak ng mga naunang nakapuwesto sa mga matataas na posisyon sa pamahalaan.

Mayroon ding mga logger, smuggler, warlord at iba pa.

Kung may nakasisingit man na maliliit, hindi mahirap ang mga yan.

Pantapal lang sa butas sa maikling panahon gaya ng tatlong taon na termino.

Pagkatapos niyang babawiin yan ng mga dating may hawak.

Ang sistemang partylist ang inaasahan na babali sa ganyan na sistema.

PEKENG PARTYLIST

Pero habang tumatagal, aba, napansin natin ang pagkakasingit bilang partylist ng mga pekeng partylist.

Paano nangyari ang mga iyon?

May partylist na walang malinaw na botante.

May partylist na partylist lang ng mga pamilya.

May partylist din na itinatatag ng mga nakaupong administrasyon at ang mga nominee ng mga ito ay nakaupo sa gobyerno na appointed ng nakaupong Pangulo o may kapangyarihang mag-appoint.

PAGLILINIS NG COMELEC

Sinasabing lilinisin ng Comelec ang sistemang partylist.

Yun bang === buburahin daw nito sa listahan ang mga pekeng partylist.

Dahil dito, kinakabahan na tuloy ang lahat ng partylist.

Kandidato kasi ang lahat ng partylist sa mga daraanan ng eraser ng Comelec.

At ang kaba ay nililkha rin ng paniniwala na papalitan lang ang mga peke ngayon ng ibang mga peke.

Hehehe!

At ang pinakamasaklap, buburahin din sa listahan ang mga nagsasabing genuine sila.

NAGUGULUHAN

Magulo, naguguluhan talaga ako mismo sa nangyayari riyan sa Comelec.

At talagang kinakabahan.

Tingnan ninyo. Pagkatapos na burahin ng Comelec ang gusto nitong burahin, siyempre, magkakaroon ng motion for reconsideration.

Ewan natin kung gaano kabilis ang Comelec sa pagkakaroon ng resolusyon sa mga motion for reconsideration.

Heto ngayon ang maso sa mga hindi papasa sa panlasa ng Comelec.

Kahit na tumakbo pa sa Supreme Court ang binura ng Comelec, hindi na maisasama ang mga ito sa balota para sa halalang 2013.

Dahil sa Enero na yata magkakaroon ng imprenta ng mga balota.

Ang pag-asa na lang umano ng mga burado ay ang mandatory na utos ng Supreme Court na isama ang mga ito sa balota.

Kung wala ‘yan, babu na sa mga partylist na nahagip ng pambura ng Comelec.

AKSYON NG SC

Paano kung last day o mga huling araw ang paglabas ng desisyon ng Comelec ng mga pinal nitong desisyon sa burahan?

Magkakaroon pa kaya ang Supreme Court ng panahon na magbaba ng kautusan para mabigyan ng tsansa na sumali ang mga burado sa Comelec?

Hindi imposible na mangyari ang burahan sa mga huling araw. At hindi rin imposible na mapaparalisa ang SC.

COMELEC UMAYOS

Kung bakit tinatalakay natin ito, eh, hindi para may papaboran tayong partylist.

Ang gusto lang nating ipaalam ay sana huwag maligaw ng landas ang Comelec ukol sa partylist system na pag-asa ng mamamayan na makasali sa pambansang pamahalaan at mabigyan ang mga ito ng sapat na atensyon at serbisyo.

Para naman umunlad ang kanilang katatayuan sa buhay, pati ang kanilang karapatan na maging bahagi ng pamahalaan at pagpapanday ng buong bayan sa dapat nitong kalagyan at kinabukasan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply