Kilalang negosyante at aktor pasimple kung mag-date sa sinehan

NATATAWA ang source natin sa kanyang kuwento. Nang manood daw siya sa Newport Cinema sa Resorts World Manila ay nagulat siya at nalibang sa katitingin sa drama ng dalawang kilalang personalidad sa harapan ng kanyang kinauupuan.

Unang dumating daw ang negosyanteng lalambot-lambot na may-ari ng isang progresibong clothing line. May kasama itong dalawang bodyguards. Nagtaka ang kausap natin kung bakit hindi tumabi sa bossing nila ang dalawang aso, este, bantay.

Dalawang upuan daw ang bakante sa pagitan ng businessman at mga kasama nito. Maya-maya ay dumating na ang medyo maskuladong aktor na walang gaanong project sa malaking network. Agad itong tumabi sa negosyante at kunwari pang hindi sila magkakilala.

Nang dumilim na ang buong paligid at abala na ang lahat sa panonood ng sine, aba’y parang mga lovebirds na nagdudunggulan na ng kanilang mga pisngi ang dalawang personalidad, ay may bulungan chuvanes pa huh! Hahaha! Nang matapos ang palabas ay naghiwalay na ang dalawa na parang hindi pa rin magkakilala. Hehehe!

Ang isyu rito, hanggang ngayon pala ay sila pa rin. Nung bago-bago pa lang sa showbiz ang aktor na ‘to ay itong negosyante ang nagsilbing ‘sugar mommy’ niya. Nang mapunta ang huli sa big network at maihawla ng isang gay executive ng istasyon ay nagkahiwalay sila. Ngunit nang mapabayaan na siya at hindi na mabigyan ng career ay heto’t naisipang bumalik pala kay dating ‘mama’.

Mabuti na lamang at mabait at hindi mapili ang huli. Kung iba-iba siguro hindi na papansinin ang aktor dahil may edad na ito at hindi na masasabing sariwa. Hindi na rin sikat. Hhmmm…ano kaya ang sikreto ng aktor at dalawang kamay siyang muling niyakap ni ‘madir’?

***

Extra challenge ngayong gabi na sa GMA-7!

WALA na ngang maka-aawat pa sa makapigil-hininga at kapanapanabik na pilot episode ng pinaka-aabangang reality game show sa bansa—ang Extra Challenge. Tunghayan ang malaking pagbabagong gagawin nito sa ordinaryong weekends simula na ngayong gabi, October 27.

Tiyak na hindi mapapakali ang mga manonood sa adventure na ihahatid nina Richard Gutierrez at Marian Rivera kasama si Boobay sa unang set ng challengers na tumanggap ng hamon sa exciting na pagsisimula ng Extra Challenge.

Tunghayan kung hanggang saan ang kakayanin nina Dennis Trillo, Kylie Padilla, Rafael Rosell, at Alessandra de Rossi sa pinakamahihirap na challenges na kanilang kahaharapin—mga gutom na zombie, masisikip na mga kabaong, madudulas at nakakikilabot na mga insekto at hayop, at isang nakaliligaw na jungle. Sino sa kanila ang tatagal at magsasabing na-survive niya ang Extra Challenge?

Isa sa kanila ang mahihirapang makalabas sa isang kabaong—isang kabaong na nakabitin lang naman nang 60 feet mula sa dagat. May isa namang tila gustung-gusto ng mga insekto dahil maging sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan ay gumagapang ang mga ito.

At kung hindi talaga nakapapagod at naka-uubos ng lakas, isang challenger ang hindi na makadadalo ng awarding rites dahil sa sobrang panghihina at mabilis na pagbaba ng kaniyang body temperature.

Huwag nang maging-extra curious! Siguraduhing tumutok sa premiere ng Extra Challenge, ngayong gabi na, 7:30pm sa GMA-7.

***

Bulinggit na personalidad high na high sa popularidad

MAY mga tao palang kahit bulinggit lang sa paningin pero kung kumilos ay hitsurang kasinglaki ni Goliat. Aba’y feeling siya na ang pinakasikat sa buong Pilipinas. Hindi siya nakikipagkamay at nakikipagusap sa mga di kilalang tao. Kapag may name ang kausap nito, abot agad ng kanyang calling card, pero pag ‘wa name, kulang na lang sabihin nitong ‘doon ka makipagtsikahan sa driver ko’. Giatay!

Palibhasa puro malalaking tao ang kausap nito kaya, ang laki-laki na rin ng kanyang ulo. Hindi nga matanggap nito na basta na lang siya iniwan ng batang showbiz personality na kinahuhumalingan niya. Habol pa rin nang habol kahit ayaw na sa kanya.

Kahit matalino siyang tao, gusto nating bigyan siya ng pangaral. Boss, manatili ka namang nakatapak sa lupa. Kilalanin mo pa rin ang maliliit na tao (Maliit ka rin naman e. Hehehe!). At ‘yung PR mo, wag mo namang sipain na parang bulok na kamatis porke’y may kilala ka nang mas may pangalan kesa sa kanya. ‘Yun lang!

***

Para sa inyong opinyon at reaksyon, magtext sa  09074582883/09351851227 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoo.com at maari rin kaming mapakinggan sa Star na Star sa DWIZ 882 khz, 2-3 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply