Kita ng mga magsasapatos sa Marikina tumataas pa

DAHIL sa patuloy na pag-arangkada ng mga sapatos na gawang Marikina, patuloy din ang pagtaas ng kita ng mga magsasapatos sa ikalimang linggo ng pagdiriwang ng Sapatos Festival.

Sa ikalimang linggo (Oktubre 8-14 ) ng Sapatos Festival, ang Patio Del Zapateros at ang Sapatos Central, at maging ang Shoe Caravan na bumisita sa mga lungsod ng Malabon at Quezon, at sa Lucky China Town Mall ay nagtala ng kabuuang kita na PhP3,719,052. Sa kabuuan, sa ikalimang linggo ng pagdiriwang, nakamit na ang PhP14,811,471.10 o 74% ng target na kitang PhP20M ngayong taon.

Matatandaang noong unang linggo ng Sapatos Festival ay naitala ang kitang PhP1,855,748.25; sa ikalawang linggo ay  PhP3,710,282; sa ikatlong linggo ay PhP1,042,239; at sa ikaapat na linggo ay PhP4,484,149.85.

“Patuloy tayong nagpapasalamat sa lahat ng bumibili at tumatangkilik ng mga sapatos na gawang Marikina. Malaking bagay para sa ating mga magsasapatos lalo na sa lokal na industriya ang dumaraming parokyano ng ating produkto,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Matapos ang pagbisita ng Shoe Caravan sa lungsod ng Taguig noong ika-15 hanggang ika-16 ng Oktubre, susunod nitong  pupuntahan ang Pateros sa ika-17 hanggang ika-18 ng Oktubre; Muntinlupa sa ika-19 ng Oktubre; at Dimasalang Park sa Antipolo sa ika-20 hanggang ika-21ng Oktubre.

“Ang pagdiriwang ng Sapatos Festival ay mayroon pang 11 linggong nalalabi kaya maaari pang makahabol ang mga hindi pa nakabibili ng mura, maganda, at subok na

matibay na sapatos na maipagmamalaki natin hindi lamang sa ating bansa kung hindi maging sa buong mundo,” dagdag pa ni De Guzman.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply