Knights nakahirit ng Game 3

BINIGO ng Letran Knights ang asam ng defending champion San Beda College Red Lions na Finals sweep matapos manaig ang una 62-55 sa Game 2 ng NCAA Season 88 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum kagabi.

Magkikita sa isang rubber match ang host Letran at San Beda sa Huwebes sa parehong venue upang malaman kung sino ang makakaunang sumungkit ng pang 17 titulo sa nasabing liga.

Parehong hawak ng Knights at Red Lions ang 16th championship title at 1-1 record sa kanilang best-of-three Finals kaya naman umaatikabong bakbakan na naman ang masisilayan.

Kontrolado ng Mendiola-based San Beda ang unang tatlong quarters subalit pagdating ng payoff period ay nagbago ang ihip ng hangin dahil naagaw ng Letran ang abante.

Sumikwat ng tig-isang three-pointer sina Jonathan Belorio at Mark Cruz at sumundot pa ng three-point play si Kevin Alas upang arangkadahan ng Intramuros-based Letran ang San Beda sa 9-0 run at makuha na rin ng Knights ang abante, 54-47 may 6:15 minuto pa nalalabi sa orasan.

Isa pang pasabit na three-point play ang binira ni Alas at dinagdagan pa ng isang trey ni Belorio upang maging 15-5 run na at mamayagpag sa walong puntos na kalamangan, 60-52 may 2:58 minuto pa sa oras.

Si Belorio ang nanguna sa opensa ng Letran na may tinikadang 15 puntos at 10 rebounds habang nagdagdag si Mark Cruz ng 12 points.

Si Alas na apat na puntos lang ang nagawa sa first half ay tumapos ng 10 pts. Kapareho ni Jam Cortes.

Sa Game 1 nanaig sa manipis na 62-60 ang San Beda.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply