Koalisyon na ibabangga sa UNA opisyal nang nagsanib

OPISYAL nang nagsanib puwersa ang makapangyarihang koalisyon na kinabibilangan ng Liberal Party, Akbayan, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, Laban ng Demokratikong Pilipino, National Unity Party at tatlong independent candidates na makikipagbanggaan sa United Nationalist Alliance (UNA) sa Kalayaan Hall, Club Filipino, Greenhills San Juan City, kaninang umaga.

Ang nasbaing koalisyon ay binubuo nina dating Senador Ramon Magsaysay Jr., Benigno “Bam” Aquino IV, at dating Senador Jamby Madrigal na pawang mga taga-Liberal Party; dating Las Pinas Congresswoman Cynthia Villar, Senador Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano ng Nacionalista Party; Senador Loren Legarda ng Nationalist People’s Coalition; dating partylist Rep. Rissa Hontiveros ng Akbayan; Aurora Rep.Juan Edgardo Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino; at mga independent candidates na sina Senador Francis Escudero, MTRCB chairwoman Grace Poe-Llamanzares at Senador Aquilino Pimentel III.

Higit pa sa popularidad o pagiging sikat, ang LP-AKBAYAN-NPC-NP-LDP-NUP Coalition ay binuo sa paniniwalaang mas lalo pang isusulong nito ang agenda ni Pangulong Aquino para sa mga mahihirap.

Sa kabilang dako, para sa kabataan, hanapbuhay, edukasyon at para sa ikabubuti ng sambayanang Filipino ang nagkaisang nilalayon ng bawat kandidato ng koalisyon.

Naniniwala si Llamanzares na ang pagiging masipag niya sa kanyang ahensya ang magbibigay tatak sa taumbayan na karapat-dapat siyang pagkatiwalaan ng boto ng mga ito.

Aminado naman si Bam Aquino na kakailanganin niya ang suporta ng kanyang mga kamag-anak lalo na ang kanyang pinsan na si TV host/ actress Kris Aquino, mga kaibigan, kakilala para manalo sa eleksyon sabay sabing “we need all the help”. Ayon kay Bam, hindi umano siya dapat na maging kampante kahit isa siyang Aquino. Kaisa aniya siya ng kanyang mga kasama sa senatorial slate ang nagsasabing “we will give them a good fight”.

Usapin naman sa tubig ang bibigyang diin ni Madrigal habang sii Escudero ay sinabing babaguhin niya ang istilo ng nakagawiang pangangampanya ng isang kandidato. Ipapakita aniya niya sa publiko ang tinatawag na makabagong pamamaraan ng pangangampanya ng isang kandidato nang hindi na sumasama pa sa campaign rally.

Para naman kay Trillanes, alam ng publiko kung sino ang dapat na iboto ngayong eleksyon. Matamis na ngiti naman ang naging tugon nito ng itanong sa kanya kung isa siya sa iboboto ng mga botante ngayong halalan.

Isang malaking hamon naman kay Cayetano ang makasama sa senatorial slate si Madrigal na minsan ay nagkaroon sila ng hindi mabuting pagkakaunawaan.

“Ang sa akin lang, wala lang sanang siraan dahil nasa iisa kaming koalisyon,” ayon kay Cayetano.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply