Kolumnista tinadtad ng death threat (2)

ITULOY natin ang kuwento ng bastos at may death threat na opisyal ng Manila Police Department.

Alas 2:05 hanggang alas 2:11 ng hapon ay puro personal na at mga panlalait ang ipinadalang  messages  at bandang  alas 2:26 ng hapon ay nag-text uli ito ng “Tang i-a mo…isang beses pa na isusulat mo ang pangalan ko… may kalalagyan ka talaga.”

“Subukan mo lang… simula sa araw na ito, tumingin-tingin ka na sa likuran mo…” Ang nasabing text ay aking natanggap bandang alas 2:30  ng hapon noong Sabado.

Ang buong akala ng inyong lingkod ay tapos na ang messages ng pagbabanta, pang aalipusta  at paghamak sa aking pagkatao kung kaya nagulat ako nang kinabukasan, Linggo ng umaga bandang alas 7:15, ay muli itong nag-text at nakasaad ang mga katagang, “Pu—ng i-a mo talaga…cnu ba pinag mamalaki mo, ha?

Sasagutin ko nang isa-isa ang katanungang ito. Tinatanong mo kung ano ang naitulong ko sa iyo? Kung matatandaan mo, Supt. Santiago Pascual, hepe ngayon ng Personnel o D1 ng MPD,  noong wala kang puwesto ay ako ang nakiusap kay General Danilo Abarzosa, na noon ay District Director ng MPD,  na bigyan ka ng puwesto.

Hindi ako nagdalawang salita kay General Abarzosa, ora mismo ay ibinigay sa iyo ang Intramuros PCP. Noong nasa Kalookan ka at gusto mong magpalipat ng Maynila, ay isa rin ako sa nakiusap sa  Abad Santos Police Station 7 na  tanggapin ka roon. Hindi po ako nanunumbat, Col. Pascual. Gusto ko lang pong ipaalala sa iyo ang mga naitulong ko.

Gusto ko lang sabihin sa iyo, Col. Pascual, na hindi ako sabit dahil mukha ko ang iniharap ko kay Gen. Abarzosa at hindi  ng kung sinoman.

Hindi po ako natatakot sa mga pagbabantang ito dahil kasama ito sa hanapbuhay ng isang mamamahayag ngunit  gusto ko lang pong sabihin na ang lalaking nagbabanta, lalo na sa isang babae, ay maliwanag na  isang duwag lalo na kapag ikaw  ay  isang pulis at opisyal na naturingan.

Matagal na ako sa larangang ito at marami na rin akong nakatagpong  arogante at bastos na opisyal pero ang masasabi ko ay ikaw na yata ang pinaka…

Dapat ang inilalagay na hepe ng Personnel ay magaling ang PR at magaling makisama sa mga tao, kaya nagtataka naman ako kung  ano ang ipinakain nitong si Pascual kay MPD Director Alex Guttierrez , at nauto niya ito na ilagay siya  sa D1.

Sayang ang pinasusuweldo naming mga tax payer sa pulis na  katulad nitong si Pascual. Attention Manila Mayor Alfredo Lim, NCRPO Chief  Leonardo Espina at PNP Chief Director General  Nicanor Bartolome, ano pong masasabi ninyo sa ugali  nitong inyong opisyal na si Pascual.

Bukas po ang Lily’s Files para  sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento,  mag-text lang po sa 09155683000  at  0908-7230036  o kaya ay mag-email lang sa lpr_2012-@yahoo.com.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply